AnalIsis sa “Adobo” (dI ang resipi) ni Faye Cura

ESTRUKTURA NG KAMALAYANG NATRAWMA SA TULANG ADOBO

Romulo P. Baquiran Jr.

ABSTRAK

Ginagamit sa teksto ng tula ang mga karaniwang estruktura ng pangungusap na siya ring instrumentong lumilikha ng mga natatanging kahulugan sang-ayon sa natatanging-gamit, partikular ang subhetisasyon/metaporisasyon dito ng manunulat. Kinakasangkapan ng Modernistang awtor ng pagtula ang kakayahan ng wika sa maraming paraan. Laging batayan ang pangungusap at parirala sa pagbuo ng mga pahayag na bahagi ng disenyo ng kabuuang bisyon o mensahe ng tula. Sa pagtuon sa mga elementong ito, unti-unting makikita ng mambabasa ang sikolohiya ng awtor sa pagsasatula ng kaniyang paksa. Ang mga kasangkapang retorikal ay lumalangkap sa sikolingguwistikong pamamaraan tungo sa pagbuo ng matulaing teksto.

Lumikha ng rebolusyonaryong pagbabago sa panulaang Filipino ang kilusang Modernista magmula pa noong 1932.i Nang lumitaw ang pagtulang Modernista, mahigit nang tatlong dekada ang pagiging dominante ng Balagtasismo o ang kilusan ng tradisyonal na pagtula na humuhugot ng puwersa mula kay Francisco Baltazar at ng pangkulturang kasaysayan na kaniyang kinakatawan. Emblematikong kinatawan ng kilusang Modernista si Alejandro G. Abadilla at ang kaniyang “Ako ang Daigdig” (1940). Marami nang ramipikasyon ang diyalektikal na ugnayan ng mga kilusang pampanitikang ito na nagpapatuloy hanggang ngayon. Hindi naman ganap na nabubura ang katangian ng Balagtasismo sa pagtulang Filipino at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Hindi na nga lamang ito humihikayat ng mga bantog na tagapagtaguyod. Sa katotohanan, ang estetika ng pagtulang may tugma at sukat, na hindi naman esklusibong Balagtasista, ay bahagi na ng kaalaman ng mga Modernistang makata sa Filipino.

Sa kasalukuyan, pangunahing naipagpapatuloy ang Modernistang estilo at sensibilidad sa mga institusyong pang-akademya. Ang mga mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat ay higit na nahihikayat na sumunod sa yapak ng mga tagapagmana ng kilusang Modernista tulad nina Virgilio S. Almario, Vim Nadera, Mike Coroza, Allan Popa, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Joi Barrios, Elynia Mabanglo, Benilda Santos, Faye Cura, atbpa.

Sa artikulong ito, pumili ng isang tula ng isang kabataang makata mula sa antolohiya ng kanilang henerasyon.ii Si Faye Cura at ang kaniyang “Adobo” ang napiling suriin. Nagtapos siya ng Malikhaing Pagsulat mula sa Philippine High School for the Arts, lumahok sa palihan sa LIRA, at kasalukuyang nakaenrol sa mga kursong grawado ng Malikhaing Pagsulat sa U.P. Inaasahang maging bahagi ng pagtula niya ang pamamaraang Modernista.

Narito ang teksto ng tula:

Adobo

I.

1 Umano, isang libingan

2 ang ilang araw nang hinahalukay

3 ng aso sa bakuran.

4 Ito ang bumuo sa pasya ni Itay.

II.

5 Sa kusina, pinupukpok ako ng amoy ng bawang.

6 Katulad ng mga patatas sa sangkalan

7 ang sinapupunan kong pinipira-piraso

8 ng di pa ma’y naaagnas nang tao,

9 muli, ngayong buwan. Ano itong ritwal

10 ng kabaliwan. “Ngumiti ka naman,”

11 giya ng mga katagay ni Tatay

12 nang idulot ko ang umaasong ulam.

III.

13 Paliwanag sa kanila ng aking ama,

14 tuwing sinusumpong ang anak niyang pakawala,

15 tila mga labi ko ang tinatapalan

16 ng sanitary napkin sa di-mawawaan

17 kong pananahimik. Kapag nga naman nagambala

18 ang sirkulasyon ng dugo,

19 bumubulwak din ito sa bibig.

20 –Pumupunit sa aking pandinig

21 ang itinawa nilang ligalig.

IV.

22 Siyam na buwan nang nakukontra

23 ni Ate ang sumpong

24 mula nang isuot niya ang damit pangkasal.

25 Siyam na buwan din mula nang katayin

26 ang una naming alaga

27 na ang sala, ayon kay Tatay, ay ang buong gabing

28 ulol na pag-alulong. Siyam na buwan

29 mula nang abutan ng pagkalat ng dugo

30 ng diyosa ng langit ang pagtangis ko

31 sa pag-alis ni Ate sa aming kama

32 at ng anino ng asong iyon sa bilog na buwan.

V.

33 Huwag kang mag-aalala, alo noon ng mga manginginom.

34 May asim din naman daw ako’t tamis,

35 katulad ng sukang Iloko.

36 Malaman daw ang dibdib, puwit at hitang

37 buhat-buhat ng aking utak-toyo.

VI.

38 Ako rin ang naggayat ng bawang at patatas

39 sa seremonyang iyon ng pagluluto

40 ng malinamnam na asong malas.

41 Pinukpok muna ang hayop

42 at saka pinugutan; walang mahihita

43 sa malamlam na mga mata

44 at sa matalas na ilong at taynga

45 at sa bibig na hindi ibinubuka

46 maliban upang magdamag na ihudyat

47 na mayroong ililibing sa aming mag-anak.

Sa anim na saknong, naipahayag ng persona o ng tauhang nagsasalita sa tula ang kaniyang mapait na karanasan. Kinasangkapan ng tula ang apostrophe o ang pagpapapahayag ng persona sa imahinaryong kausap o maaari din namang tayo na bumabasa ng tula. Ang apostrope ay nagbubukas ng diskurso o pakikipagdiyalogo sa mga mambabasa. Kung kaya ang tulang ito sa umpisa pa lamang ay nagpapahiwatig na ng panghihingi ng simpatya mula sa imahinaryo o totoong kausap. May panlipunang dimensiyong mararamdaman sa tula, tulad din naman na ang anumang tula na sa pinakabatayan ay nakikipagtalastasan sa mambabasa.

Sa buod, ang naratibo ng tula ay tumutuon sa magkapatid na babae—isang nakababatang kapatid na labis na nagmamahal sa kaniyang Ate. Ipinakilala ng ama ang Ate bilang “pakawala” at tinawag naman ng mga manginginom na “utak-toyo” o sira-ulo ang nagkukuwento sa tula. Itong magkapatid na babae at ang kanilang kondisyong api bilang babae ang tunay na paksa ng tula. Sa paanong paraang lingguwistiko, sikolohiko at poetiko naipahayag ang paksang ito?

Metaporisasyon ng mga parirala

Lumilikha ang pagiging sensitibo ng persona ng mga pariralang nagpapahayag ng kaniyang tunay na damdamin. Puwedeng hindi siya masalita o pinipiling hindi magsalita (di mawawaan kong pananahimik, linya 16 at 17) kaya maparikala o ironiko ang pangyayaring matatas at matalisik ang persona sa loob ng tula.

Sa pakikipagtalastasan, isang teorya ang pagsasakodigo (encoding) at pagbasa-sa-kodigo (decoding) ng mensahe na isinasagawa ng mga kasangkot. Sa pagsasakodigo, ginagamit ng nagpapadala ng mensahe—sa kasong ito ang persona ng nakababatang kapatid na babae—ang mga kumbensiyon sa talastasan na inaasahan niyang mauunawaan ng kaniyang katalastas. Sa kaso ng pagiging mambabasa ng tula, isahan ang daloy ng komunikasyon. Hindi na natin matatanong ang persona sa mga detalye ng kaniyang mensahe. Ngunit ipinagpapalagay na may sapat siyang ibinigay na mga pahiwatig upang ma-decode o mabasa natin ang kaniyang mensahe.

Inumpisahan ng persona ang tula sa paggamit ng kumbensiyon ng pamahiin. Folklore itong matatawag. Binigyang diin pa ito ng unang salita “umano” o pinaikling “diumano.” Made-decode natin ito bilang “daw” o “ang sabi nila.” Sa folklore na Filipino, kapag naghuhukay ng lupa ang alagang aso, pahiwatig itong may mamamatay na isang miyembro ng pamilyang may-ari ng aso. Sa tula, binago ng manunulat ang mas karaniwang “may mamamatay sa pamilya” bilang “libingan.”

may mamatay —» libingan

Ang kapangyarihan ng ama o ng kalalakihan sa lipunan ang magiging ahente o aktibong tagapagpadaloy ng pangyayari sa tula. Magmula dito’y magiging reseptor ng aksiyon o pasibong protagonista ang tagapagsalaysay. Sa munting palabas ng tula, ang ama ang gumaganap na pasimuno at may kontrol sa buhay ng kaniyang mga anak.

Sa maigting na kondisyon ng damdamin ng tagapagsalaysay, nakapagpapahayag siya ng kakaiba, at poetikong ekspresyon.

pinupukpok ako ng amoy ng bawang. (linya 5)

Sa lingguwistikong kategorya, mailalarawan ang pangungusap bilang:

VERB + OBJECT + SUBJECT

Maituturing itong isang maayos na pangungusap, ang tinatawag na well-formed sentence. Ngunit sa natural at literal na kondisyon ng pagsasakodigo sa wika, sa sitwasyon ng pag-uusap ng dalawang magkaibigan halimbawa na naglalarawan ng karanasan ng isa sa pagkaamoy niya ng pinitpit o hiniwang bawang sa kusina, hindi ito katanggap-tanggap na anyo. Kung ide-decode ang pangungusap para maging impormatibo lamang at isasakodigo sa mas neutral na anyo, maaaring ganito ang anyo ng pangungusap.

pinupukpok ako ng amoy ng bawang —» nasinghot]

naamoy]

nalanghap] ko ang amoy ng bawang

kaya ang padron ng pangungusap, upang sumunod sa proseso ng normalisasyon ay magiging

VERB + SUBJECT +OBJECT

Ngunit hindi nga ito ang nais na ipahayag ng awtor. Sapagkat sa partikular na subhetibong kondisyon ng personang kaniyang binuo—kung saan ang trawmatikong karanasan ang nais ipahayag at hindi ang pagkaamoy lamang sa hiniwang bawang—ang metaporisasyon o mas partikular, ang personipikasyon ng amoy ng bawang ang pinakamabisang kasangkapan upang masimulan ang kaniyang apostrope. Magpapatuloy pa itong prosesong ito sa kabuuan ng ikalawang saknong

6 Katulad ng mga patatas sa sangkalan

7 ang sinapupunan kong pinipira-piraso

8 ng di pa ma’y naaagnas nang tao,

9 muli, ngayong buwan.

Magulo ang sintaks ng pangungusap na ito. Sa poetiko at sikolohikong pangangatwiran, repleksiyon ito ng magulong isip ng persona na dulot ng karanasang trawmatiko. O kaya, kung paniniwalaan ang mga manginginom, ng pagiging sira-ulo ng persona. Itong surface structure o pahayag ay puwedeng isaayos bilang mga parirala ng pahayag.

Ang pinakabuod na pahayag ay matutukoy sa linya 7-8. Puwedeng isaayos ito sa bagong padron.

ang sinapupunan kong pinipira-piraso ng di pa ma’y naaagnas nang tao

» Ang di pa ma’y naaagnas nang tao ay pinipiraso ang sinapupunan ko.

Ang kalahatang padron ng mahabang parirala ay

OBJECT + VERB + ADVERBIAL PHRASE + ADJECTIVE + SUBJECT

ito ay magiging pangungusap na may padrong

ADVERBIAL PHRASE + ADJECTIVE + SUBJECT + OBJECT

o kaayusang binaligtad upang maging buo at malinaw. Sa pagsasagawa nito ay mapapalitaw o mapo-foreground ang subject o ahente ng aksiyon. Mahalaga ang subject o aktor sa linyang ito. Tinutukoy nito ang isang tao na hinuhulaang siyang dahilan ng pag-alulong ng aso. Sa puntong ito ng tula ay hindi pa siya pinapangalanan. Maaaring siya ang anak ng kaniyang Ate na sa linya 29-31 pa ikukuwento sa tula. Pasasalimuotin pa ang buod na pangungusap ng paghahalintulad sa sa sinapupunan sa patatas sa sangkalan na mahihinuhang ginayat na at ang mga pangyayaring ito’y hindi lamang minsan nangyari kundi ikalawang ulit na pagkaraan ng siyam na buwan.

Transpormasyon ng persona o tauhan sa tula

Bagama’t tila pasibo ang persona sa harap ng kaniyang ama at mga katagay, aktibo ang kamalayan niya sa pag-unawa sa totoong nangyayari sa kaniyang paligid, sa kanilang mababang pagtuturing sa kaniya. Alam niyang balintuna ang pahayag ng mga lalaking nagkukunwang nagmamalasakit sa kaniya. Tinawag niyang “giya” ang mga kaibigan ng kaniyang ama na parang ginagabayan siya sa hindi nalalamang daan sa isang paglalakbay. May isang paglalaro sa salita kaugnay ng áso (uri ng hayop) at asó (uri ng usok) (pun sa Ingles) na may kabuluhan sa kabuuang disenyo ng tula. Magiging makahulugan ang mga salitang ito pati na ang “ulam” dahil tutukoy sa kondisyon ng persona sa dakong dulo ng tula.

Sa ikatlong saknong, may ilalahad ang ama na hindi kaiga-igaya tungkol sa asal ng magkapatid. Walang gatol na tinawag niya ang unang sariling anak na babae o Ate ng persona bilang “pakawala” na kapag “sinusumpong” ay may sariling reaksiyon naman ang persona—ang hindi mawawaang pananahimik. Inihambing ito ng ama sa pagkatapal ng sanitary napkin sa kaniyang bibig. Ang buong episodyo ay pagmababa sa kondisyon ng magkapatid na babae na maging ang kanilang biyolohikong siklo ay walang pakundangang minaltrato. Muli may balintuna sa paglalarawan ng persona sa reaksiyon ng grupo ng kalalakihan. Kung sa unang saknong ay ang pandama ng amoy ang nadahas, dito sa ikalawa ay ang pandama naman ng pandinig ang labis na nasaktan. Sadyang hidwa ang estado ng mga bahagi ng katawan ng magkaharap na partido. Samantalang tikom sa pananahimik ang bibig ng persona, ang kalalakihan ay bumukas para tumawa.

Ang itinawa nilang ligalig (linya 21)

Tulad ng padrong inilatag ng awtor sa iba pang linya sa pamamagitan ng binuo niyang persona, may metaporisasyong nangyayari sa pariralang ito. May ironiyang dala ang paglalarawan sa tawa ng mga kalalakihan bilang pahayag ng kanilang “ligalig.” Sa isang pakahulugan, para bang naapektuhan sila sa neurotikong manipestasyon ng persona bilang pakikisimpatya niya sa hindi magandang nangyayari sa kaniyang Ate pero siyempre mabubura ang bahid ng pakahulugang ito sa pagiging hindi angkop sa karakterisasyon ng mga manginginom. May kabuluhan ang munting bintanang ito ng posibilidad ng awa mula sa inaasahang kontrabida sa buhay ng persona—ang lalo pang mapatindi ang “ligalig” na kaniyang dinadala. Tila nanimbang ang tawa bilang asiwang damdamin ng maling panlalait ngunit higit na naging malupit dahil lubos na nagpalubha sa salaghating dala ng persona.

Sa saknong IV (linya 22-32) maglulundo ang obsesyon ng persona. Dito lilitaw ang rurok ng kuwento ng kaniyang Ate at ang epekto sa kaniya ng mga pangyayari.

22 Siyam na buwan nang nakukontra

23 ni Ate ang sumpong

24 mula nang isuot niya ang damit pangkasal.

25 Siyam na buwan din mula nang katayin

26 ang una naming alaga

27 na ang sala, ayon kay Tatay, ay ang buong gabing

28 ulol na pag-alulong. Siyam na buwan

29 mula nang abutan ng pagkalat ng dugo

30 ng diyosa ng langit ang pagtangis ko

31 sa pag-alis ni Ate sa aming kama

32 at ng anino ng asong iyon sa bilog na buwan.

Muli, hindi tuwiran ang pagpapahayag ng persona sa kuwento. Ang mediyasyon ng kaniyang karakter ang maaaring dahilan nito. Gayunman, mahihinuha sa kaniyang bersiyon ang posibleng nangyari. Malamang na nakatagpo ang Ate ng lalaking nagpakasal sa kaniya (pagsusuot ng damit pangkasal) at nang magdalantao ito, hindi na ito sinumpong ng paghahanap ng makakasiping. Kung hindi ito ang gagawing pagbasa, magkakaroon ng kabaliwan ang akto ng pagsusuot ng damit pangkasal. Pero isa rin nga itong posibilidad, lalo pa nga’t binansagang “utak-toyo” ang persona. Posible talagang gusto lang magsuot ng damit pangkasal ng Ate.

Kasabay o halos nasa parehong panahon ng kasalan ang pagkatay at pagpulutan sa kanilang unang alagang aso. Kung gayon, ang pagkatay ng aso sa saknong II ay ikalawa nang pagkakataon. Kaya makatwiran ang paglalarawang “muli” sa linya 9. Pagkumpirma naman ang linya 27-28 sa aktong ginawa ng ama sa linya 4 (ang pagkatay sa asong umalulong at naghukay sa bakuran).

Nakita na ang pagkakagulo ng sintaks ng mga linya ng tula kapag pinagmumunian o binabalikan sa isip ng persona ang isang trawmatikong karanasan sa nakaraan. Ang linya 28-32 ay mga sabayan at pangunahing pangyayari na nabibigyang-diin ng nakalipas na panahon (Siyam na buwan na…)—ang kasalan, ang pagkalat ng dugo, ang kaniyang pagtangis, ang pag-alis ng kaniyang Ate, ang pag-alulong ng aso, ang anino ng aso, ang bilog na buwan, at ang pagkatay sa aso. Isang napakahabang pangungusap na binubuo ng mga parirala ang mga linyang ito na hindi malinaw ang puno’t dulo kung kaya kailangang hulaan ang pakahulugan.

Siyam na buwan mula 1) nang abutan ng pagkalat ng dugo ng diyosa ng langit ang pagtangis ko sa pag-alis ni Ate sa aming kama at 2) ng anino ng asong iyon sa bilog na buwan.

Hindi kompleto ang larawang mabubuo sa pahiwatig na ito bagama’t mahihinuha ang ilang hindi matitiyak na hantungan batay sa mga pahayag ng persona sa iba pang bahagi ng tula. Isang umuukilkil na tanong kung ano ang ibig sabihin ng mahabang parirala # 1 sa itaas na sipi. Sinasabi ba dito na natupad na ang pamahiing kapag umalulong ang aso ay may mamatay sa pamilya? Ang sanggol bang nasa sinapupunan ng Ate (Siya rin ba ang diyosa ng langit? Posible kung iisiping mahal na mahal siya ng persona) ay nalaglag o namatay nang isilang sa kanilang kama? Ito bang pagkamatay ng sanggol ang siya ring dahilan ng pag-alis ng Ate? Iminumungkahing pagbasa na positibo ang sagot sa lahat ng inilatag na mga tanong na ito bagama’t napakaposibleng ding may iba pang tinutukoy ang mga salita sa parirala. Nagiging mahalaga ang parirala # 2 sapagkat kasabay na nangyari ng parirala # 1 a. Para sa persona, hindi mapagbukod-bukod sa kaniyang kamalayan ang mga ito at mga aspekto ng isang kabuuan.

Para sa persona, sentral ang mga simbolo ng saknong IV para sa daigdig ng babae. May biyolohikong kabuluhan ang siyam na buwan na nagpapahiwatig ng kapangyarihan ng babae na magluwal ng buhay. Ang numerong siyam ay tatlong ulit ng ternary number (3) na simbolo ng perpektong kaisahan. Alalahanin ang Holy Trinity. Mahihinuhang ito ang mantrang ipinapaalala ng persona sa sarili sa harap ng verbal na pagsalakay ng kalalakihan sa kaniya. Ang aso na nagsisimbolo ng katapatan ay kumakabit din sa persona at sa metaporikal na level ay nagiging siya sa maraming paraan. Matapat siya sa kaniyang Ate, tumangis (umalulong) siya nang ang huli ay umalis, at parang siya ang kinatay (inadobo) ng kaniyang ama at kasamang manginginom. Bukod pa sa ulol (tulad niyang utak-toyo) ang aso, at may sumpong (tulad niya at ng kaniyang Ate). Maging ang gasgas na simbolo ng bilog na buwan at kahulugan nitong katumbas ng baliw (buang) ay nagbibigay ng bagong metaporisasyon sa karanasan ng persona. Sa mapaglangkap na imahinasyon ng persona, lumalabas siya sa literal at aktuwal na lipunang pinaghaharian ng malulupit na lalaki at pumapasok sa daigdig na hindi nalalayo sa daigdig ng aswang at mga katulad. Hindi ito pagmababa ang pagtuturing sa persona kundi isang kondisyong pinaglagakan sa kaniya ng lipunang patriyarkal. Sa katotohanan, inaangkin ng mga peminista ang pagbansag na ito bilang pagbawi sa espiritwal at transpormatibong pagkilos ng kababaihan.

Eksena ng panghaharas sa babae ang buod ng saknong V. At muli, pinatitindi ng awtor ang karaniwan sa pamamagitan ng mga maparikalang salita. Tulad ng “giya” sa linya 11, ang “alo” sa linya 33 ay kabaligtaran ng denotatibong kahulugan nito. Mayroon ding natatanging gamit ang sintaktikal na estruktura ang linya 34:

May asim din naman daw ako’t tamis

Ang karaniwang order ng pangungusap na ito ay

May asim at tamis naman din daw ako.

Maaalala tuloy ang unang linya ng pamosong awit na Florante at Laura ni Francisco Baltazar:

Sa isang madilim, gubat na mapanglaw

May estratehikong silbi ang paglalagay na ito ng pang-uri sa dulo ng pangungusap. Nabibigyan ng empasis ang salita at higit na natatanghal ang pagiging pagkain ng lalaki sa babae, isang obheto ng pagnanasa.

Ang mga linya 35 at linya 37 ay may aliw-iw na nililikha

katulad ng sukang Iloko

buhat-buhat ng aking utak-toyo

Kahit wala sa denotatibong pakahulugan ng Iloko ang “pagkasira ng ulo,” ang presensiya ng morpemang “loko” sa dulo ng salita ay sapat na upang mahatak ang kahulugang ito sa mambabasa at lalo na sa persona. Ito ang pagdulas ng mga salita na lumilikha ng poetikong bisa, na kabilang pa rin sa proseso ng metaporisasyon na katangian ng teksto.

Pinakarurok ng identipikasyon ng persona sa kinatay na aso ang saknong VI. Siya na ang naging adobong tinutukoy sa tula. Higit pa itong mahihinuha dahil sa pagiging obheto ng pagnanasa ng manginginom sa kaniya: ang pagtuturing sa kaniya bilang pulutang may tampok na bahaging “dibdib, puwit, at hita…” Tila ba siya ang imahen ng chop-chop lady sa mga balita at mga disembodied o pira-pirasong bahagi ng katawan ng mga babae sa mga pelikula at advertising copy. Tulad ng aso na walang silbi sa pamumulutan ang pinugot na ulo, ayaw ng mga manginginom ang ulo ng persona sapagkat walang “mahihita” (pansinin ang pun sa bahagi ng katawan) sa lamang nitong “utak-toyo.” Isa pang ebidensiya ng identipikasyon ng persona sa aso at sa pagluto dito bilang adobo ang salitang “pinukpok” na lumitaw na sa linya 5 (pinupukpok ako ng amoy ng bawang).

Bagamat walang kapangyarihan ang persona na harapang kabakahin ang umaapi sa kaniya, ang mismong identipikasyon niya sa asong kinatay at inadobo ang magbibigay sa kaniya ng puwang upang makapaghiganti o makatakas sa opresibong kinalalagyan. Sa espiritwal na antas, makahihiling siya ng kamatayan para sa umapi sa kaniya. Kailangan lamang niyang tumangis (umalulong) para magkabisa ang kaniyang iniisip, kahit sa level ng imahinasyon. At dahil espesipiko ang parametro ng pamahiin, ang kaniyang pag-alulong ay hahantong sa paghahanda ng libingan para sa kaniyang ama.

Nunit narito ang isang paradoha sa kaniyang hiling, sapagkat bahagi din siya ng pamilya, puwedeng magkabisa sa kaniya ang kaniyang alulong na gagawin. Ngunit kung siya’y nasa kasumpa-sumpang kalagayan, wala na ang mahal na Ate na nagmamahal at minamahal niya, tumuturol din ang linya 47

mayroong ililibing sa aming mag-anak

sa pagnanais ng persona na magwakas na ang kaniyang paghihirap sa pamamagitan ng pagpapatiwakal.

i Basahin ang Virgilio S. Almario. Balagtasismo versus Modernismo. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1984. mp. 109-290.

ii Cirilo F. Bautista at Allan Popa, mga patnugot. Latay sa Isipan: Mga Bagong Tulang Filipino. Manila: UST Publishing House, 2007. mp. 54-5.

SANGGUNIAN

Virgilio S. Almario. Balagtasismo versus Modernismo. Quezon City: Ateneo de Manila

University Press, 1984.

Cirilo F. Bautista at Allan Popa, mga patnugot. Latay sa Isipan: Mga Bagong Tulang Filipino. Manila: UST Publishing House, 2007.

Ernesto Cubar. “Some Unpopular Analyses of Sentences and Constructions with Missing

Constituents,” nasa Jonathan Malicsi. Trends in Philippine Linguistics. Quezon

City: Department Linguistics, 1983.

Ivan A. Sag & Thomas Masow. Syntactic Theory: A Formal Introduction. Stanford:

Center for the Study of Language and Information, 1999.

AnalIsis sa “Adobo” (dI ang resipi) ni Faye Cura

Review of Vim Nadera’s Alit (1993)

ALIT, DALIT, HALIT, MALIT, NGALIT, NGALIT, PALIT, SALIT (CONFLICT, TALK, HATE, RIP, TRANSITION, GRIT, CHANGE, ALTERNATE). Published 1993. Author, V.E. Carmelo Nadera, Jr. Pasig: Anvil Publishing, Inc. 1993. 95 pp.

Nadera combines tradition and experimention in the writing of the Alit poems. The book has seven sections that corresponds one-to-one with the words in the book title. Comprising of forty seven poems, section “Ngalit” has thirteen pieces while section “Malit,” being a transition device, has only a single poem. According to Virgilio S. Almario in his introduction to the book, the poet employs many personas including Quezon provincemate and historical figure Hermano Pule or Apolinario dela Cruz, the religious rebel of the 1830s.

The poet uses apostrophe (character speech) in a series of poems in dalit form (monorhyme octosyllabic quatrains) in the first section. In the poem “Hari ng mga Tagalog” (King of Tagalogs), a Hemano Pule disciple reflects on the good of a spiritual leader who sprang from the ranks of common folk, and realizes that genuine freedom from colonial power was what they experienced in the slope of Mt. Banahaw. In another poem, “(Ugali’t Usapan Lang),” Hermano Pule’s mother delivers a poetic monologue not unlike that spoken by the Virgin Mother in the pasyon, a grieving parent as his son literally becomes a Christ-figure.

Nadera’s literary experimentations also include typographical and language play. In the section “Tularo” (Poetry Play) which can be considered as a mini-collection of concrete poems, the texts directly express their messages or meanings. In “Sinok,” (Hiccup), the letters that comprise the word mimic the act itself, and “Kindat” (Wink) does the same. In another poem, “Nang Sabihin ni John Cage,” (John Gage Says), the word play recalls the repetition in the Modernist poem “Ako Ang Daigdig” (I Am The World) by avantgarde poet Alejandro G. Abadilla; but Nadera overdoes the act, writing eighty repetitive lines, making his piece practically a parody of the original.

The “Salit” section has seven poems about lovers and activists. In “Katoto” (Comrade), the singer, after lamenting the death of a beloved friend who joined the progressive movement, renews the commitment to social justice. In “Biyudang Saudi” (Saudi Widow), the overseas contract worker’s story is narrated in five monorhyme quatrains of fourteen syllables that begins with the father leaving the country, goaded by the promise of a high-paying job, and ends with him coming home empty-handed.

The “Halit” section shows how Nadera’s wit and imagination render social history in poetic forms that are appropriate to the discourse. In the poem “Spes (Haikuno)” “Spes (Quasi-haiku),” to foreground the plight of mestizo children of Filipino-Japanese intermarriages, he deploys the haiku-form: “Anak po akong/urira sa magurang/na di nagsama” (I am a child/an orphan/of parents who never lived together). This is poetically purposive to give the subject an appropriate texture and emphasizes it some more with the use of the Japanese l-r mispronounciation. A similar literary approach is used in “Caritas” (Charity) wherein Nadera employs rap-style language to poeticize the case of AIDS victim Rachelle Reyes.

Alit‘s contributions to Filipino poetry lies mainly in the exploration of the mindsets of historical and contemporary characters, presented in traditional poetry and lyric forms, which lend them a dramatic immediacy and poignancy. The language and typographical play show the author’s wit and humor rooted in the experiential but tempered by a national and collective memory.

Review of Vim Nadera’s Alit (1993)