Nagyeyelong Lupain (Unang eksena)

Nagyeyelong Lupain

ni Yasunari Kawabata
salin sa Filipino ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Lumabas sa nagyeyelong lupain ang tren mula sa mahabang tunel. Maputing nakalatag ang lupain sa kalangitan ng gabi. Tumigil ang tren sa istasyon.

Lumapit ang dalagang nakaupo sa kabila ng bagon at binuksan ang bintana sa harap ni Shimamura. Pumasok ang maniyebeng lamig. Todong inilabas ang katawan sa bintana, tinawag ng babae ang maestro de estacion na para bang napakalayo nito.

Mabagal na nilakad ng maestro de estacion ang yelo, hawak ang isang lampara. Natatakpan ang mukha niyon, hanggang ilong, ng makapal na muffler, natatakpan ang mga tainga ng mga sulapa ng kaniyang sombrero.

Ganoon kalamig, naisip ni Shimamura. Nakakalat doon at dito sa iladong gilid ng bundok ang mabababa at tila-kuwartel na mga gusali na mga dormitoryo siguro para sa perokaril. Tinangay sa dilim ang kaputian ng niyebe bago pa umabot ang mga ito sa kanila.

“Kumusta po?” sigaw ng babae. “Si Yoko ito.”

“Ikaw pala iyan, Yoko. Pabalik ka na? Lumamig na naman.”

“Nabalitaan kong nagtatrabaho dito ang kapatid ko. Salamat po sa lahat ng nagawa mo.”

“Malungkot lang dito.Hindi ito lugar para sa binatilyo.”

“Oo nga po, bata lang talaga iyon. Pero pakigabayan siya sa dapat niyang malaman po?”

“Maayos naman siya. Mas magiging abala kami mula ngayon, dahil sa niyebe at lahat na. Noong isang taon, ang lakas ng bagsak kaya laging humihinto ang mga tren dahil sa mga abalantsa, at naging abala ang buong bayan sa pagluluto para sa kanila.”

“Pakitingnan kung mayroon siyang makapal na maisusuot. Sabi ng kapatid ko sa sulat ni wala siyang sweater.”

“Ako nga hindi maiinitan kung hindi apat ang patong. Nagsisimulang uminom ang mga bata kapag lumamig na, at kamala-mala mo, nakaratay na dahil sa sinipon.” Ikinaway niya ang lampara sa patungo sa mga dormitoryo.

“Umiinom po ang kapatid ko?”

“Hindi ko narinig.”

“Pauwi ka na po niyan?”

“Naaksidente ako nang kaunti. Panay ang punta ko sa doktor.”

“Mag-ingat ka po.”

Pumaling ang maestro de estacion, na nakaabrigo at nakakimono pa, na parang tatapusin na ang nakakalamig na usapan. “Mag-ingat ka din,” ang palingong sabi nito.

“Nandito po ba ang kapatid ko?” Tinanaw ni Yoko ang platapormang balot sa niyebe. “Pakitingnan lang po tama ang ugali niya.” Napakaganda ng boses niya na maaakalang malungkot ito. Sa pagiging matining parang umaalingawngaw ito sa lawak ng maniyebeng gabi.

Nakadungaw pa ang babae sa labas ng bintan nang tumulak na ang tren palayo sa istasyon. “Pakisabi sa kapatid ko na umuwi kapag may bakasyon,” sigaw nito sa maestro de estacion, na bumabaybay sa perokaril.

“Makakarating,” sagot ng lalaki.

Isinara na ni Yoko ang bintana at idinampi ang mga kamay sa namumurok na mga pisngi.

Tatlong ararong pangniyebe ang naghihintay dito sa Border Range (Bulubundking Hanggahan). May aparato ng de-koryenteng babala sa abalantsa sa hilaga at timog na mga bukana ng tunel. Handa ang limanlibong trabahador na bungkalin ang niyebe, at dalawanlibong kabataang lalaki sa boluntaryong departamento-sa-sunog ang puwedeng mobilisahin kung kailangan.

Magtatrabaho dito sa hintuang istasyon ang kapatid ni Yoko, matatabunan ng niyebe hindi magtatagal—itong pangyayari’y lalong naging mas interesante pa para kay Shimamura ang babae.

“ Ang babae”–may makikita sa kaniyang kilos na nagsasabing wala siyang asawa. Walang paraan si Shimamura para malaman kung ano ang relasyon niya sa lalaking kasama. Kung kumilos sila’y parang mag-asawa. Mukhang may sakit ang alalaki, at pinaglalait ng sakit ang isang lalaki at babae. Higit na mataman ang pag-aalaga, lalong nagmumukhang mag-asawa ang dalawa. Ang babaeng nag-aalaga ng lalaking mas matanda sa kanya, gaya ng sinumang batang ina, ay mapagkakamalang asawa niya.

Sa isip niya, ibinukod na ni Shimamura ang babae sa lalaking kasama at ipinasiya sa kalahatang itsura at kilos nito na wala pa itong asawa. At dahil tinitingnan niya ito sa isang kakatwang anggulo nang matagal-tagal, ang mga damdaming tanging kaniya lamang ay nakulayan na siguro ang kaniyang paghuhusga.

Nagyeyelong Lupain (Unang eksena)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s