Kolaborasyon sa Materyalidad ng Teksto nina Villanueva at Arguelles

Sa totoong buhay, magkaibigan sina Arguelles at Villanueva na tampok sa Pesoa, ang pinakabagong akda ng unang manunulat. Maiintriga tiyak ang pangalawa na nasa langit-langitan na ng panitikang Filipino at nadagdagan pa ang kaniyang kislap.

Pero kumikislap din ang mas nakababatang awtor. Ito ang kanilang kolaborasyon.

Angkop na teksto sa dalawang hugpungan ang pagkapili ni Arguelles para sa kaniyang proyekto. Malaking bahagi ng nalikhang borador na tinatawag na Pesoa ang tumutuon sa pagkokonsepto ng sarili, simbolisado ng terminong ako o maging ng siya, sa loob ng aklat.

Mga personal na sanaysay ang teksto ni Villanueva at ang freym ni Arguelles ay ang sarili din. Hindi ito kailangang personal kundi ang permutasyon ng ako sa rabaw ng papel. Pero kasama ang pag-ukit nito sa ako ng mambabasa.

Itong pamagat ay hinugot mula sa awtor na Portuges na nagtaguyod din ng salimuot ng kaakuhan halos eksaktong isandaang taon na ang nakakaraan.

Itong materyalidad ng teksto na likha ng isang ako, ni Villanueva ay dumadaaan sa kamay, literal talaga, sa proseso ng pagturing ng isa pang ako, ni Arguelles. Itong paksa ng ako at siya na ring temang mababasa at ang prosesong pinagdaanan ng produksiyon.

Nabasa ko na nang ilang ulit ang Personal at kaunting-kaunti lamang ang nararamdaman kong bahid mula doon sa naritong itinatanghal sa atin ngayon. Sa madaling sabi, ibang mga ako na ang naririto sa ating piling sa loob ng libro.

Pero salamat nga sa kolaborasyon ng dalawang kamalayan, ang tensiyon ng dalawa ay nagbunga ng isang natatanging akda. Naririnig ko lang si Villanueva na tumitili nang malakas, “Hindi na ako iyan!”

(Read as if talking to Rene): Hindi na nga talaga kasi kolaborasyong ako na ang nasa Pesoa. Isang ako na isinisilang ng limbag na mga salita. Pero Rene, sa totoo lang, kaw pa rin iyan. Isa iyan sa mga ako mo, pinalitaw lang ni Ayer na isa rin sa mga ako niya. Sa proseso ng tinatawag na erasure. Oo binura ka pero nilikhang muli din. San ka pa?

Isang obsesyon ang proyekto sa paghahanap ng kahulugan, o kawalan nito, ng larawan ng sarili. Itong paghahanap ng sarili ay tila natatagpuan sa bawat pagbanggit ng sarili ngunit tila rin natutunaw pagkaraan na mabanggit sa teksto man o sa imahinaryo ng mambabasa. Epemeral tila ang ako. Pero sa sandali ng pagkabanggit, may materyalidad ito.

Aking sarili na kung bakit hindi ko makilala.

 Hindi ko maaninag sa katawang iyon ang sa akin.

 Kailangan namin ang isa’t isa.

 Hindi ko makita yung nakikita ko sa hindi ako.

 Saan ba ako dadalhin ng mga ako.

 Sikretong-sikreto ang ako.

 Aksidente lamang ang sarili.

 Nagpahaba ng buhok para patunayan hindi ako ordinaryong tao.

At ang paborito ko:

Ang ako ay isang lalang.

Sa isang pahayag tila nahuli ni Arguelles ang hinahanap. Diksiyonaryo ang pagkatumpak ng depinisyon ng ako. Nililikha ito pero hindi pa rin talaga dahil aminadong malamang na isang pagtatanghal ng hindi naman talaga ako itong ako dito sa pangungusap.

Isa sa mga lalang na ako sa Pesoa ang emblematiko ng realidad bagamat konseptuwal ang lahat ng ako sa Pesoa.

Pero itong isang ito tila tumakas sandali sa imahinaryo.

Pahinto-hinto siya. Nang makita ko siya ay naunawaan ko kung bakit lagi ang malawak, walang katapusang kawalan. Nang matanaw ko siya, isang aninong nayuyungyungan ng malalagong bulaklak ng bogambilya. Nagpalinga-linga muna siya bago nagsalitang muli. Lagpas-hatinggabi na. Nasa tapat pa rin ako ng poste.

Naiisip ko ang tunay na Villanueva. O baka napaglalangan lang ako? Iyon na nga. Pero bakit hindi?

Kapiling ko dito sina Pesoa, Villanueva, at Arguelles sa pagtunghay sa aklat na nambubura pero nanlilikha rin..

Kapag binasa ninyo ang Pesoa, malay natin kung saan lupalop ng kaakuhan ang inyong marating. Iyon ang punto.

Pagbati kay Ayer at Rene. At sa Publikasyong Balangay.

Kolaborasyon sa Materyalidad ng Teksto nina Villanueva at Arguelles

One thought on “Kolaborasyon sa Materyalidad ng Teksto nina Villanueva at Arguelles

  1. Nakakatuwa yung parteng may conversation pa talaga kayo ni Sir Rene. Nakakaloka; parang Wag Mong Buhayin ang bangkay (1987), magagalit sa inyo si Charito Solis! Haha

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s