Paglilibot sa Kyoto

Masaya tumira sa Japan. May mga bagay na pangarap lamang sa Pilipinas pero dito, ordinaryo lang. Halimbawa sa pagkain, masarap talaga. Huwag lang kuwentahin sa piso at baka ayaw mo nang gumasta. Paano ba naman ang saging na P5.00 sa atin dito ay P50. O iyong mansanas mahal din kumpara sa bagsak-presyo ng Divisoria.

Tiyak na mapapansin ng mga bagong salta ang koleksiyon ng basura dito sa Japan. Maayos at laging nasa oras dalawang beses isang lingo. Sa Project 6 kasi, tuwing Miyerkules lang ang dating ng mga trak ng basura. Kailangan alerto ka sa busina kundi matetengga ang basura mo nang isang linggo, at malamang pagpiyestahan iyon ng mga uod.

Sa Sabado ng gabi naman, walang mintis ang karaoke ng mga kapitbahay. Durog ang mga tutuli mo sa lakas ng patugtog. Walang ganyan sa mga kapitbahayan sa Japan. Magtataka ka nga bakit napakatahimik ng mg kapitbahay mo at pati mga aso ayaw kumahol. Hahanapin ng tainga ang mga nakakatuwang awayan at bungisngisan. Pero sa ngayon, enjoyin muna ang katiwasayan.

Sa ilang lugar na napasyalan ko, nagustuhan ko ang Kyoto. Ang japanophile na si Donald Keene doon tumira nang matagal. Hindi raw nagbago ng pangalan ang mga kalye sa loob ng 800 taon, kaya kapag binasa mo ang mga historya ng mga shogun, masusundan mo ang mga dinaanang ruta ng mga Ashikaga sa lungsod. Talaga namang makikita ang sinauna at moderno sa Kyoto. Napakaraming shrine, templo, hardin at museo. Napakarami ring izakaya (kainan) at mga club.

Mainam na galugarin ang Kyoto sa paglalakad lamang. Ginawa ko ito minsan mula sa istasyon ng Kawaramachi papunta sa MoMAk o Museum of Modern Art. Beinte minutos na paspas na lakad lang ito sa tabing ilog at kalye Kawabata. Mabuti na lang at tumpak ang mapa at natunton ko agad ang museo. Itinatanghal noon ang koleksiyon ng Amerkanong pintor na si James McNeill Whistler, isang kakontemporanyo ni Juan Luna sa huling bahagi ng siglo 19. Sa palagay ko, napili ng curator si Whistler sa kaniyang pagka-japanophile. Ang daming manonood na nagbayad ng P700 (Y1500). Pero sulit naman dahil napakaproduktibo nitong pintor. Nagustuhan ko ang kaniyang mga etching na nagpapakita ng eksenang ilog Thames ng London. Pero kahit pinuri siya ni Monet, sa palagay ko, mas magaling pa rin si Luna.

Napuntahan ko din ang Nijo Castle at napahanga ng humuhuning sahig. Tumutunog kasi ang mga tabla sa bawat hakbang mo. Hindi pang-aliw ang mga ito kundi panghuli daw sa mga ninja na pumupuslit sa kastilyo para saktan ang shogun. Nanghingi ng pasensiya ang voice over sa isang seksiyon ng kastilyo na nagpapakita ng mga pintura. Biruin mo, kinagabihan, nakilala ko sa izakaya ang isang pintor. Sabi niya, siya raw ang nagre-restore ng mga painting. Pagkakataon nga naman. “Talaga?” na lang ang nasabi ko.

Nakikita ko lang ang mga harding Hapon sa mga magasin at postcard. Kaya gulat na gulat talaga ako sa ganda ng Shosei-en Garden na malapit sa Higashi Hongaji castle sa kalye Karasuma. Kahanga-hanga ang mga teahouse, punong maple, tulay na kahoy, mga mumunting lawa, mga bulaklak. Napakaganda ng disenyo at nasa armoniya ang lahat. Ganoon din ang hardin ng Ginkakuji (pinilakang temple) sa dakong hilaga na may ginshadan (hardin ng buhangin). Mga langit-langitan sa lupa itong mga hardin.

Hahangaan mo talaga ang Japan. Mapapamahal sa iyo ang Kyoto.

Paglilibot sa Kyoto

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s