Ipahiwatig mo, makukuha ko

Pakiramdaman Mo Lang

Maraming dayuhan ang natutuwa sa ating mga Filipino. Magiliw daw tayo. Magaling makisama. Masipag sa trabaho. At mahilig makipagkuwntuhan. Kapag may maingay na grupo sa isang pagtitipon, malamang na Filipino ang mga ito.

Saan ba nanggagaling ang husay ng Filipino sa pakikipagkapuwa? Natural na sa atin ito: ang kakayahang bumasa sa damdamin ng iba. Kapag medyo nag-iba ng timpla ang ating kasamahan, sa bahay man o opisina, nakakaramdam agad tayo. Nalalaman natin halimbawa na may kaunting tampo ang isang malapit sa atin.

Aba, tayo lamang ang may salitang tampo. Hindi ginagawa ang pagtatampo sa isang estranghero. Nangyayari lamang ang tampuhan sa pagitan ng mga taong may pinagsamahan na. May ginawa ang isang tao na sukat ikatampo ng isa pa. Halimbawa, nagkamali ng akala ang una sa gustong gawin ng ikalawa. Nagkaroon tuloy ng kaunting hidwaan. Ang gagawin ng nagtatampo, hindi muna kakausapin o titingnan ang pinagtatampuhan. Hindi manhid ang Pinoy para hindi mahalata ang di-pagkibo ng kapatid o kaibigan. At kung minamahalaga niya ang taong iyon, gagawa siya ng paraan para mawala ang tampo.

Madalas na hindi deretso ang pagsosori. May tagapamagitan. Kadalasan taong malapit sa dalawa. Kaunting paliwanagan, kaunting drama, at maibabalik na ang dating samahan.

Iyon na nga. Ayaw ng Filipino na makasakit ng damdamin ng kapuwa. O kung hindi maiiwasan, pahiwatig lamang ang kaniyang gagawin. Ang estilong ito’y tinatawag na parinig o pasaring. Kunwari, may ginawang desisyon si panganay at ayaw ni bunso. Hindi puwedeng deretsong sabihin ng huli ang kaniyang pagsalungat. Pero puwede siyang magpasaring o di-tuwirang ipahayag ang kaniyang damdamin nang hindi napapahiya si panganay. Hindi rin tayo puwedeng sumagot sa magulang. Kabastusan ito. Pero puwede tayong magdabog o sumimangot. “Huwag mong sabihin, ipahiwatig mo” ang tuntunin ng Filipino.

Nagdadalawang-isip din tayong manghingi ng deretso sa isang tao. Baka tanggihan tayo at mapahiya pa tuloy. Para maiwasan ang ganitong sitwasyon, sasabihin natin, “May kapatid ba ang maganda mong bolpen?” At kung nakuha ng pinagtanungan ang pahiwatig at nagkataong may kapatid ang bolpen niyang maganda, ibibigay na lamang niya ito sa iyo.

Dito na nagkakaproblema nang kaunti kapag hindi Filipino ang kaugnayang tao. Sa una, akala ng dayuhan na nakuha na niya ang loob ng Filipino. Magiliw at magaling kasi tayong makisama. Pero oras na may hindi tayo nagustuhan, ipapahiwatig lamang natin ito at hindi sinasabi nang tuwiran sa kanila. Akala nila okey pa rin tayo kahit hindi na. Iniisip natin na dapat maramdaman nila ang ating pagtatampo o pagsama ng loob. Kaso may ibang sistema sila ng pagpapahayag ng damdamin. Halimbawa, mas gusto ng Amerikano ang pagiging prangka. Sabihin mo nang diretso ang nasa loob mo. At mas mabuti na iyon. Medyo asiwa sa ganitong talastasan ang Pinoy.

Kaya kailangan ng Filipino na umangkop nang kaunti sa dayuhang sitwasyon. Sabi nga, umayon sa mga Romano kung nasa Roma. Kung nasa Japan, alamin mo na ang pag-angkop na dapat gawin. At mabilis naman niya itong natutuhan. Kailangan ng ibayong ingat sa pagiging magalang, lalo na sa wika.

O kapag kasama na ang kapuwa Filipino, puwedeng magbalik sa kinasanayang paraan ng komunikasyon: ang pagpapahiwatig.

Ipahiwatig mo, makukuha ko

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s