NINA


Hindi na maiiwasan ni Nina ang dalawa. Sa biglang liko, sa aisle ng mga sabon at shampoo, nagkaharapan sila. Biglang tumigil ang puso niya, parang may dumaklot na kamay na bakal doon, at pakiramdam niya natuyong walang kaabog-abog ang lahat ng tubig sa kaniyang katawan. Nakita niyang nanlaki ang mata ni Raul. Sabi nga, parang nakakita ng multo. Multo ng nakaraan. Isang napakalaking kaasiwaan. Nakakapit sa namumutok na triceps ni Raul ang makinis na braso ng asawang mestisa. Makinis din malamang ang mga palad nito. “Hindi pinaglalaba.” Sa lahat naman ng mapapansin ni Nina, iyon pa ang mapagtutuunan niya. Sabagay, wala naman nang ibang titingnan sa malapitang engkuwentrong ito. Hindi niya tiningnan sa mukha ang ipinalit sa kaniya. Bakit din sa labahin tumalon ang imahinasyon niya. At sa kalawak-lawakan ng mundo, nagkatiyap na dito sa maliit na groseri sa Bangkok sila magkita ng walang-pasabing-lumayong boyfriend. Pero unang nagkalakas ng loob si Nina ng salitang “Kumusta?” Ipinakilala ni Raul ang asawa sa tonong ikinagulat ni Nina: kaswal at parang walang nangyari. Nakahinga nang maluwag si Nina sa pagpapalit ng tensiyonadang pakiramdam. “Please to meet you,” ang sabi nila sa isa’t isa. Walang matandaan si Nina sa naging usapan. Bumubuka-buka lamang ang labi ng lalaki pero wala siyang naririnig. Naramdaman niyang pumipintig na muli ang kaniyang dibdib. Marahan at tahimik. Sa kaduluhan, binigyan siya ng calling card ng lalaki. Maya-maya, nagpaalaman na. Nakuha pa ni Ninang ngitian ang babae. Sa buong buhay ni Nina, sa pagsakay niya sa bisekleta pabalik sa apartment, ngayon lang gumaan nang husto ang pagpedal niya. Parang may tumubong pakpak sa mga sakong niya at nabusbos ang mga naipon niyang mga tanong na dalahin niya sa nakaraang tatlong taon. Huminto siya sandali sa tabi ng kanal. Inilabas ang calling card sa kaniyang pitaka, pati ang retrato ng lalaking pinakatago-tago niya doon. Inihagis niya ang dalawa sa hangin, nag-ikutang parang paruparo saka magkahiwalay na tumaob sa abuhing agos ng tubig.

NINA

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s