Bighani ng Tula

Sa pormalistikong kahulugan, nasa mga salita lamang ang kahulugan ng tula. Kapag binasa mo ang teksto, naroon na ang ipinapahiwatig ng tula, nakatago sa indibidwal na salita. Parang napakasimple. Pero ang gramatika ng wika, sabihin pa ng tula na isang natatanging gamit ng wika, ay masalimuot at kailangan ang mahusay na nabigasyon para makuha ang pahiwatig nito. Sa nagnanais magmakata, kontensiyon na bago siya makapagpatuloy na may tiwala at husay na makalikha, marapat na masubukan niya munang maging mahusay na mambabasa. Kapag natutong magbasa ng tula, hindi na malayong makasulat nito kung pagsisikapan nang husto. At kung iibigin ito ng kabataang manunulat,  kung gustong-gusto niyang mapasakamay ang isang bagay, gagawa ng paraan ang mundo para mapasakaniya ito.

 

Tulad ng iba pang gawaing pantao, kahit hindi pampanitikan, kailangan munang makuha ang batayang tuntunin, gramatika, para makapagsimula sa pagsasagawa nito. Hindi ako makapaglaro ng basketbol dahil bukod sa napakalaki ng pangamba kong lumaro dito, hindi ko inintindi ang gramatika nito. Ano ang mauuna, dribol bago shoot? Siguro naman, wala ka nang ididribol kung nai-shoot mo na. Pero ito ang isang hadlang kung kaya ako hindi nahatak sa kort, wala akong interes sa basketbol.

 

Ayun, kung papasok sa anuman, palagay ko, napakalohikal na malaki dapat ang interes mo dito. Kailangang bigyan mo ng oras, hindi lang oras, kailangang bigyan mo ito—itong sining ng pagtula—ng malaking bahagi ng buhay mo. Kung babasahin ninyo ang buhay ng mga piyanista, mang-aawit, eskultor—malaking oras ang ginugol nila sa paggawa ng mga paulit-ulit na ehersiyo, mga walang kawawaang finger exercise, pagsasayang ng oras sa pag-ukit ng marmol, pag-akyat-baba sa eskala ng mga nota para mahasa ang boses, o lumubog sa ilog para mag-voice projection exercise. Sa madaling sabi, parang pagsasayang ng oras pero sa katotohanan ay paghahanda para sa lakbay-sining, lakbay-buhay. Kailangang mayroong rubdob na magsayang ng oras para sa sining.

 

Sa malikhaing pagsulat, mabuti nga ngayon mayroon nang mapag-eenrolan na mga kurso. Puwedeng pormal na matuto. Noong unang panahon, na inabutan ko pa ang buntot, walang SMPF o BA Malikhaing Pagsulat. Mayroon lamang malakas na paghahangad, puwede ring tawaging ambisyon, na maging manunulat. Hindi pa nga alam kung pagmamakata ang gusto ko noon. Basta writer, kahit ano puwede na. Playwriting  ang unang ginusto pero iba ang kahingian ng drama. Hirap mag-imagine ng mga character at kanilang mga gusto sa buhay. Sa tula ako napunta.

 

May hatak ang tula, kasi naroon ang intensidad. Sa emosyon, sa pag-iisip. Kung sa drama, ang aksiyon ang bida at sa prosa/fiction  ay ang naratibo, sa tula kasi, sa tingin ko, ang bida ay ang mismong mga salita. Ang namumukod na katangian ng paggamit ng salita. Isa ngang analohiya dito ang sayaw. Hindi kailangan sa buhay ang sayaw sa entablado. Puwede kang magpatuloy sa pagiging anuman sa buhay mo—titser, tindera, magtataho, drayber—ng hindi nakakapanood ng sayaw. O natutong magsayaw. Pero may kulang sa buhay mo kung hindi mo napapahalagahan ang kagandahan ng kilos at ritmo ng katawan. Maaaring namamalayan mo na ang paglakad ay dinadala ka ng iyong mga paa mula sa punto A patungo sa punto B. Ngunit hindi mo naramdaman ang ritmo, ang bilis, ang gaslaw, ang liyad, ang rurok ng lukso, ang kibot ng kalamnan, ikaw man ang gumawa o namasdan lamang, ang bisa ng sayaw. May napakalaking guwang na nawala sa kaalaman at paghasa ng pagkamaramdamin mo. At masaklap, hindi mo man lamang nalaman itong pagkawala. Mahalaga ang sayaw, ang sining sa pagkatao mo.

 

Isang sining ang literatura na hambing sa sayaw ay higit na malapit sa karanasan mo dahil wika ang materyal na ginagamit. Pero tulad ng sayaw, ginagawa ka ring sensitibo nito sa pagpapagalaw ng iyong isip. Nagiging mas sensitibo ka sa galaw ng salita. Sa iyong  isip, may bagong narating na gawa ng tao. Kung hindi mo tatanggapin ang literatura sa buhay mo, hindi mo malalamang puwede pala sa salita ang ganito at ganoong epekto. Na may naiibang buhay sa kabila ng mga salita na tila dati’y hadlang lamang para sa komunikasyong impormatibo na tila dati’y siyang mahalaga lamang sa iyo. Gusto ko nito, ayaw ko noon. Dati’y hindi mo hinintuan kahit sandali upang pansinin ang mga senyas ng talinghaga na nagtuturo sa bagong daan ng pagdama ,ng bagong pagtingin, ng damdamin, ng bagong kaisipan, ng bagong daigdig. Pero nang yakapin mo ang tula, puwede naman pala lahat ng ito sa buhay mo.

 

Sobra ka naman, sasabihin mo. Salita lang naman iyan. Yun na nga salita lamang na siyang nanglilimita ng daigdig mo. O kung pipiliin mong pahalagahanat bibigyan ng pagkakataon ang salita, magpapalawak ito ng masikip mong daigdig.  Tingnan na lamang ang “Ako Ang Daigdig” ni Alejandro Abadilla. Sa kaniyang mga kapanahon, walang kuwenta naman. Paulit-ulit lamang. Narsisistiko. Pero huwag kaligtaan na sapagkat masyado nang nahirati ang matatandang makata sa dati at sa madali, ang munting daigdig ng paulit-ulit ang nagwasak sa dati nilang daigdig ng pagod na talinghaga. Kung baga sa pelikulang aksiyon, “Isang Bala Ka Lang,” kapag napapanahon na ang tulang nalikha ng makata, na tatapos sa yugto ng naunang panahon ng kinahiratihang estilo.

Masyado naman kompetetibo ang pagsulat? Hindi. Kailangan lamang na umusad ang pagtula at mga instrumento lamang ang mga ideya ng manunulat upang sumulong at umunlad ito. Masasabi ring instrumento lamang ang mga indibidwal na makata para mapaunlad ang tula sa kalahatan. Hindi natatapos sa isang makata ang tula. Laging mayroong susulpot na bago. Kung hindi ay para na ring sinikil o pinatay ang pag-unlad ng tula. Palagiang naghihintay ng bagong rurok ang pagtula.

 

Sa pagpapalagay na ganito, palagiang may pagkakataon ang kabataang manunulat o kahit ang may edad nang makata na handang baguhin palagi ang sarili, na ipagpanibagong-anyo ang tula. Laging sariwa at nagniningning. Handang bighaniin ang nag-aabang na mambabasa.

 

Ganito ang hinahanap nating tula. Na tayo’y gulatin at dalhin sa mga posibilidad ng ngayon-pa-lamang mararanasang persepsiyon sa pandama, damdamin, at pananaw-sa-daigdig; magbukas ng hindi pa napapasok na bisyon at sityo ng imahinasyon.

 

Para naman palang epekto ng drugs ang gusto ko sa literatura. Aba kung marunong kang pumindot ng tamang buton, maaabot mo ang ganitong bisa sa pagbasa ng tula. Ang bisa ng kagandahan ay humahantong sa ganitong pagkamalay sa halos dibinong pagkamulat sa ganda at husay. Para kasing musika ang tula. At kung paniniwalaan ang sikolohistang Amerikanong si Oliver Sachs sa kaniyang Musicophilia, mapapalawak ang kaniyang haka sa musika patungo sa poesiya. Kaya ang pagkabesado ng tula at pagbulong-bulong sa sarili na parang MP3 ay may bisa ng inkantasyon at may kakaibang epekto ang ritmo at tunog ng tula. May materyalidad kasi ang tula na pumapasok sa kamalayan lalo na kung binibigkas ito. Mag-ingat lang sa pagbulong-bulong at baka akalain ng iba na nabuang ka na. Kaiba ng musika na abstrakto ang dating ng ritmo, melodiya, at armoniya, itong tula ay may inihahatid na kongkretong dalumat at ideya, na habang naliligayahan ka sa ritmo at tunog, may kognitibong mensaheng dala ang mga salitang nakasakay sa ritmo.

 

Kapag nakakarinig ako ng mahusay na performans ng tula, gaya nang minsang bigkasin ng isang babaing makata ang bahagi ng Sa Lumang Simbahan ni Florentino Collantes, o angHalik ni Lope K. Santos sa rendisyon ni Phillip Waite (propesor sa history noong 1980s), napatigil ako at nalambatan ng bighani ng salita, tinig, at enerhiya ng kasama kong audience, nagbukas ang pandinig at ang isip sa biyayang isinasabog ng tula. Kahit ang minsang pagbigkas ni Jaclyn Jose sa Talambuhay ni Gregoria de Jesus ay tumatak sa isip ko bilang kapangyarihan ng poetikong mga linya.

 

Nakakaadik ang tula kung masimulan mong magustuhan. “Masimulan” ang keyword. May mga tao, teksto, o istimulus na nagsisilbing alipato o spark na makakahawa sa iyo sa pagkaakit sa tula. Tulad na lamang ng pakikinig sa performans. O madalas pagkabasa sa akda, tapos babasahin mo na ang biyograpiya ng manunulat, at proseso ng paglikha niya. At ayun na puwedeng ma-hook ka na sa bighani ng tula. Ibig kong sabihin, itong pagkahilig sa tula sa simula ay tila aksidente pero sa katotohanan sa paglaon ay malay na pagbago sa sarili upang maging sisidlan o midyum ng sining. Ang ganda nga ng termino sa Tagalog na maging alagad ng sining. Parang kulto lang. At sa isang pagtuturing, parang ngang kulto ang pagsali sa komunidad ng mga bumabasa/sumusulat ng tula.

 

Nang magtanong ang Postino kay Pablo Neruda kung ano ang tula, praktikal ang nasa isip niyang silbi nito. Gusto niyang sulatan nang may kalakip na tula ang nililigawan upang mapaibig. Pero ang paliwanag ng makata ay metapora sa kalakhan ang tula. Tumutukoy ito sa isang mas malawak na daigdig gayong simpleng tulad ng pag-urong-sulong ng alon sa dalampasigan. Manghang-mangha ang binata na ang mga salita ay puwedeng humuli ng ritmo, testura, tunog ng kaligiran ng isla, ng kaniyang daigdig.  Sa pagkamanghang iyon, naunawaan na niya ang silbi ng tula: pagsilbihan ang sarili nito at pagsilbihan din ang pinakabatayan at pinakadagliang pantaong pangangailangan. Nagtagpo ang makata, tagapakinig, at ang tula sa mas malawak na entablado ng buhay.

Ito ang gusto mo: na gawing mahalaga sa iyong buhay at sa buhay ng kapuwa ang tula. Madaling gawin iyon dahil hindi ka naman taga-ibang planeta para maiba nang husto sa kanila. Ito na lang ang problema: mahusay ka na bang tumula?

 

Tungkulin ng nagnanais magmakata na aralin ang sining ng tula. Nakahatag nang katangian ang pagkahumaling mo dito pero ang  pasikot-sikot  sa laberinto ng bighani nito ay kinakailangang maging napakapamilyar sa iyo na kayang-kaya mo na itong galugarin at ipagwagwagan.

 

May tinatawag si Federico Garcia Lorca na duwende ng sining . Ito diumano ang nagbibigay ng kakaibang kalidad sa performans ng artista. Kung may duwende ang isang mananayaw halimbawa, higit na panonoorin ng madla ang isang huklubang may duwende sa katawan kaysa bata at sariwa kaakit-akit at kalaway-laway ang hubog pero bano namang magpatalsik ng balakang at wala sa tiyempo ang pagpadyak-padyak ng istileto sa sahig, mas tatatak ang bighani ng sining ng beterana kaysa pang-akit ng paimbabaw na kagandahan. Ito na marahil ang X-factor. Marahil ito ang talento, ang nasalo ng magsabog ng biyaya ang musa ng  sining. Ito ang landi at libog ng alagad ng sining.

 

Pero lagi namang may pasubali dito. Kahit kaunti sa simula ang pangako ng iyong talinghaga, puwede mo itong pagyamanin. Matampuhin diumano ang duwende at kapag hindi naasikaso ng may-ari, lalayas at lalayas. Pero kung aalagaan mo ang duende mo, kahit pa sa una ay bansot ito at parang walang pag-asa, tiyak na lulusog at yayabong ito. Pinaghihirapan ang pagkatuto ng pagsulat. Basa basa, tanong tanong, aral at aral pa.

 

May bighani ang tula na umaakit sa iyo. Pero puwede ring siyang mabighani sa iyo dahil sa iyong wagas at walang pagsidlang pagkaakit sa kaniya. Parang pag-ibig.

 

Bighani ng Tula

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s