hospital essays (kompleto)

Enero 20, 2009

PAGKAHULOG
Puwedeng mabago ang lahat sa buhay ng isang tao sa isang kisapmata. Ganun kabilis ang nangyari sa akin noong Agosto 28, magdidilim na ang gabi. Ang munting pagkadupilas sa dyip ay humantong sa napakasamang pagkahulog: grabeng pagkabiyak ng sakong ko, pagkahiwa ng pagitan ng kaliwang hintuturo at palasingsingan, at seryosong pagkapilay ng kaliwang paa ko. Nangyari ang lahat sa Commonwealth malapit sa Manggahan. Galing ako sa pagbisita sa isang kaibigan sa Montalban at bahagyang naliyo ng espiritu. Nang mahulog ako, agad kong sinubok tumayo pero napakasakit na ng dalawa kong talampakan at hindi ko na kayang ituwid ang mga tuhod ko. Pumaligid ang ilang mga tao para ako usyosohin. Nang makitang duguan ang aking mga kamay at kandaiyak na ako sa sakit, nagsori ang drayber at tumawag ng taxi sa aking hiling. Sinamahan ako ng isang Samaritano at sumugod sa isang ospital sa Quezon City.

Hindi ko naman sineryoso ang nangyari sa akin nang oras na iyon dahil maaga kong tinanggap na aksidente ang lahat. Okey lang na dumaan sa mabusising gamutan. At gastusing kasama ng pagpapaospital.

Ngayon lang muli ako maoospital. Noong katorse ako, nabalian ako ng kaliwang kamay dahil sa pagkahulog sa puno mula sa taas na trenta piye. Himala yun sa totoo lang. At Nanay ko ang nagsugod sa akin sa Banawe Hospital. Walang masyadong problema noon. O hindi ko lang alam ang problema.

Ang tingin ko sa ospital ay kanlungan. Santuwaryo ng mga may sakit at nasakuna. Hanggang sa mag-iisang oras na ay walang pumapansin sa akin sa emergency room. Panay ang tulo ng dugo sa kamay ko, tumatagas sa bulak na isiniksik ng attendant. Sabi ko kay John, ang mamang tumulong sa akin na medyo malamya kumilos, na tanungin bakit hindi ako inaasikaso samantalang nakabulagta naman sa rolling bed. May dalawang pasyente sa tabi ko: isang tinedyer na nakabenda ang binti at lolong may dextrose sa braso. Itong una ay pinalo ng mga kaaway na durugista kaya nadurog ang binti. Taga Payatas. Inatake naman sa puso si lolo na kapitbahay ko pala sa Krus na Ligas. Sabi ng asawa niya, “Sir kilala ko kayo. Bumibili kayo ng gulay sa akin.” Tinawag ko ang mukhang nars, si Ms. C., na intern doctor pala. Pero masungit na sumagot nang “Hindi pa naman kayo nagbabayad ng x-ray, paano kayo maaasikaso.” Anak ng putsa, wala namang instruction na ibinigay sa amin. Dito ko naramdaman na walang kuwentang tao ang hospital staff na ito. Ito ba ang itinuro sa kanila sa mga medical school? At consistent na masungit siya. Walang lugar ang awa sa emergency room kung saan ito kailangang-kailangan. Puwede na palang mamatay nang hindi ka inaasikaso dahil hindi nagbayad ng x-ray. Tinanong ko siya kung magkano ang x-ray. Pasimangot na nagsabi ng P800. Iaabot ko sana sa kaniya ang halaga at baka bumait kahit paano. “Hindi, pumila kayo sa cashier.” At tumalikod ang nakaputing intern. Ibinigay ko kay John ang pera at ang request for x-ray na nasa bulsa ko. Iniwan ako at akmang pupunta sa cashier. Dumaan ang intern at tinananong ko saan ba ang cashier’s office. “Dun, dun ang cashier.” Ang bastos talaga. Natagalan bago nakabalik si John. Mahaba daw ang pila. Malaking problema. P900 ang bill kasama ang iba pang kagamitang medikal para sa diagnosis. P800 lang ang dala ko. Naisipan kong utangan ang tinderang suki pero nakalabas na nang hindi namamalayan. Panic time. Nakitext ako sa cellphone ni John. Humiling sa isang kaibigan na puntahan ako at tulungan dito sa ospital. Pero mamaya pa daw siya makakapunta. Okey lang. Sabi ko kay John pahiramin na lang niya ako at babayaran ko siya pagdating ng kaibigan ko. Buti na lang at merong ekstra si John.

Finally, nakapagbayad na ako at pumunta sa dulo ng pila ng mga nagpapa-xray. Husto na namang dumadaan si Ms. C, at tinanong ko kung tama ba itong pinilihan ko. “Oo, maghintay lang kayo.” Talagang cold-hearted ang doktor. Bakit ba kasi niya naisipang pumasok sa kaniyang propesyon kung galit siya sa pasyenteng naliligalig? Sa isip ko, isinumpa ko siya na hindi, hindi siya magtatagumpay sa pagiging doktor niya.

Napakalamig ng x-ray room. Nangaligkig ako. Tumulo sa kamay ko ang dugo at kumalat sa sahig. Sabi ko pasensiya na. Cool naman ang dalawang radiologist. Malalaking braso ang x-ray machine. Pagkaraan ng 20 minuto, ibinalik ako ni John sa emergency room. Naghintay nang kaunti at inasikaso sa wakas ni Ms. C. Nilinis niya ang sugat ko, tinurukan ng anestisya at sinimulang tahiin ang sugat. Hindi ko pa alam na saliwa ang pagkakatahi niya pero sandaling pinatawad ko siya sa aking sumpa. Tinanong ko siya kung saan nag-aaral. Pero hindi ko matandaan kung anong eskuwelahan ang sinabi niya.

Hindi pala siya ang attending physician ko ko kundi si Dr. D. Mabuti na lang. Paglapit ni Dr. D. hawak ang x-ray ko, tinanong ako kung ano ang nangyari. Naaksidente ang sabi ko. Pero ayaw niya maniwala. “Naaksidenteng paano? Magsabi ka ng totoo? Hindi kita gagamutin!” Ano ang pinagsasabi nito? “Kailangan ang operasyon diyan. Mga trenta mil. Me pambayad ka ba?” Sabi ko, may insurance naman ako at propesor sa U.P. Nang marinig ang U.P. biglang bumait si Dr. D. Sinabi ang iskedyul ng orthopedist. Magkano ang doctor’s fee. Puwede naman daw akong lumipat sa PGH. Kakaiba. Porke ba mukha akong gusgusin (naaksidente nga at gumulong sa daan ano pa kayang itsura niya ang hinahanap niya) at nagkataong mukhang wala pera (totoo naman) ay minaltrato ako? Sanay na sanay na mang-api ng mga taga-Payatas at Krus na Ligas itong mga doktor na ito.

Paano na lang kaya ang mga walang P800 at mauutangan ng P100?

KAKOSA
Habang naghihintay sa emergency room, may isa pang pasyenteng ipinasok nang naka-stretcher. Sa akin itinabi ang duguang lalaki. May nakabantay na dalawang pulis sa ulunan. Sino ang guardian angel sa kanila? Naghintay din nang matagal ang mamang nasa 25 anyos bago naasikaso. Mas limahid sa akin ang itsura. Marumi ang buhok. Makutim ang balat. Payat pero mukhang batak ang katawan. May maliit na tattoo ni Kristo sa kanang braso. Nakangiwi ang mukha ng lalaki.

“Ang sakit!”

Hindi ko napigilang kausapin. “Ano ang nangyari sa iyo?”

“Nabaril ako. Tinamaan ako dito.” Inginuso ang singit.

“Ha? Bakit naman?”

“Tumatakbo ako. May humahabol sa akin.”

“Sino?” Hindi kaya itong dalawang pulis?

“Atraso. Ang sakit! Nasa loob pa ‘yung bala.”

Maya-maya, may dalawang attendant na umasikaso sa duguang mama. Walang anumang ibinaba ang shorts at brief, lumitaw ang bulbol at kanang bayag ng mama. At sinimulang tahiin ang sugat sa singit. Paano kaya ang bala? Siguro naman sinungkit na ng dalawang mediko. Nakatambad ang operasyon sa mata ng lahat ng nasa emergency room na gustong tumingin. Hindi man lang kinurtinahan. Kanina ganyan din ang ginawa sa akin. Sa singit nga lang ng dalawang daliri. Tinurukan siguro ng anestisya ang pasyente pero namimilipit pa rin sa sakit.

Hindi ko na kayang manood. Himatayin ako kapag nakakita ng dugo. Kinausap ko na lang ang tinedyer.

Sabi sa akin, “Alam mo Itay, 50 mil daw ang kailangan para maibalik nang deretso ang binti ko. Wala kaming ganoong pera. Nahihiya ako sa Nanay,” pagtatapat ng bata.

Sabi ko, “Wag ka na mahiya. Pera lang yun. Bayaran mo na lang pag nakapagtrabaho ka. Ang kapalit niyan kapag hindi mo inasikaso, komang na paa.” Nge, sa kamay pala yun. Pero puwede naman yata. Baluktot na lakad. Baka ganito rin ang kahantungan ko. Pilantod. Gagasta rin ako para lang maisaayos muli ang lakad ko. Kikitain ang 50 mil pero hindi maibabalik ang dating galaw ng paang pinabayaan.

Konsolasyon na hindi ako namatay. Walang malaking halaga ang makapagbabalik ng buhay na napugto sa daang Commonwealth. Hindi puwedeng mangyari sa akin ito. Marami pa akong gustong gawin.

Sa gitna ng mga nabendahang sugat at nakadispley na patak ng dextrose, hindi pa rin ako makapaniwalang nandito ako sa emergency room. Panaginip lang sana ito.

Pero makirot na makirot ang mga talampakan ko at ang singit ng mga daliri ko. Konsolasyon nang hindi ko dama ang pamimilipit ng nasa stretcher sa kaliwa at ang pagngiwi ng nasa stretcher sa kanan.
Mga kakosa sa emergency room.

LIPAT OSPITAL
Sa pangit na trato ng ospital, nagdesisyon akong lumipat sa PGH. Pero dahil hatinggabi na, mahirap nang mangggulo ng mga kaibigan. Nagpasiya akong matulog na lang muna sa ospital na iyon at kinabukasan ng alas-siyete na lang mangalampag ng dapat kalampagin. Sabi ko sa doktor, sa charity ward na lang ako patulugin dahil anim na oras na lang naman at lilipat na ako ng bagong ospital. Wala na akong pera talaga. Ayaw kong magastahan pa. Dumating din ang kaibigan kong gabing-gabi ang labas sa trabaho. Dinala ang cellphone sa akin. At nagbigay ng pera. Pero wala na akong ganang magtext. Kaliwete akong magtext. Malaki ang sugat ko sa kaliwang kamay. Gusto ko na lang matulog.

Dinala ako sa parang basement. Tabi-tabi ang mga pasyente. Halo-halo. May dalawa o tatlong natutulog sa isang kama. Walang nagbabantay sa akin at pinauwi ko na lang ang kaibigan ko dahil may pasok pa siya. Sa sobrang pagod ko, nakatulog ako agad. Nakaset sa alas singko ang alarm ko sa cell phone.

Paggising ko sa umaga, ang una kong naramdaman ay pagnanais na umihi. Pero putsa, wala akong bedpan. Oo nga pala, charity ang pinili ko. Wala akong mautusang mag-abot ng puwedeng make-do orinola. Naisip ko ang lata ng coke. May dumaang attendant na babae. Mahihiya pa sana ako pero sobrang sasabog na ang pantog ko hiningan ko siya ng bote o lata. Walang ekspresyon sa mukha ang attendant. Parang sanay na sa mga kakulitan ng pasyente. May nakita siyang ginupit na plastik ng dextrose sa sulok at iyon ang iniabot sa akin. Hay sarap umihi. Mahirap palang umihi nang patagilid habang nakahiga. At nakakaasiwa na itabi sa sulok ang dilaw na dilaw at mapanghing likido. Diyos me, ilang araw kayang ganito ang mangyayari. Ayaw na ayaw ko pa namang mangmolestiya ng ibang tao at ngayon tiyak na kailangang humanap ako ng mag-aalaga sa akin. Ano ba itong nangyari sa akin? Mabuti naman akong tao. May ginawan ba ako ng masama? Pumasok na ang kapraningan sa umaga.

Tinext ko ang best friend kong si Ate Guy. Sabi ko, puntahan ako ng alas-siyete sa ospital at naaksidente ako. Sabi ko dalhan ako ng breakfast. Pero ang tumatakbo sa utak ko “Paano kung gusto kong maebak? Paano akong pupunta sa CR? Paano maliligo?”

Kalaban ang baldadong katawan. Pero sasagot ang katawan “Ikaw ang may kagagawan ng nangyari sa akin, alagaan mo ako para bumalik sa dati.” Oo nga naman. Kailangang harapin itong healing process.

Unang concern ng dumating si Ate Guy ay saan kukuha ng pera. Ano pa nga ba kundi kailangang mag-loan. Mga P100,000. Kayang-kayang lakarin ang papel. Mga tanghali makukuha na sa U.P. Cooperative. Sige na. Walang magagawa kundi iyan. Habulin na lang ang Philhealth. Umalis si Ate Guy para asikasuhin ang papeles. Nagtext na ako sa ilang malalapit na kaibigan. May nag-offer ng sasakyan. Ala-una ng hapon may sundo na ako patungo ng PGH. Pero grabe naman ang pila ng bayaran sa ospital na iyon. Inabot ng alas-kuwatro ang kaibigan ko bago ako nailabas.

At inilipat ako ng ward (charity pa rin) ng isang attendant bandang alas-otso ng umaga kasi mga pneumonia patient pala ang kasama ko sa magdamag at baka daw mahawa ako. Baka nga sabi ko. Baka nahawa na. Diyos me katitipid ko mapapahamak ako. Kuripot kasi.

Sa matino ba ako inilipat? Bakit puro may tattoo ang mga katabi kong pasyente? Hmm. Napasok ako sa ward ng mga kasangkot sa gang. Susme, mga literary gang lang ang alam ko. Sabi agad ni Manong sa katabing kama na itago ang maganda kong cellphone at baka agawin. Sa loob ng ospital? Okey, inilagay ko sa bulsa ang phone.

May darating na mga asawa ang mga kabataang gang. Mga aburidong babae na may tatawagan sa cell phone at mag-uusap tungkol sa pera. Tapos, aawayin siya ng asawang lalaki at pagsasabihan na mahinang dumiskarte kaya hindi makakuha ng pera. Anong diskarte kaya? Ibigay ang puri? Mga ganito ang drama ng mga katabi kong pasyente. Kunyari hindi ako nakikinig sa kanila. Kakaibang buhay ang hindi ko sinasadyang malaman.

Darating ang attendant at sinaksakan ako ng anti-tetanus vaccine. Tinurukan din ako ng allergy indicator. Dalawang masakit na iniksiyon. Nagtalo ang dalawang attendant kung allergic ba ako sa gamot na gagamitin o hindi. Umalsa kasi ang tinurukang balat. Hindi naman yata sabi ng isa kaya ginamitan ako ng Zegen vial. Allergic pala ako doon at sa loob ng trenta minutos namaga nang bahagya ang mga mata ko. Lalo pa akong sumingkit. Ang sagwa ng pakiramdam ko. Gutom na hindi naman makakain. Masaya na hindi masyadong grabe ang nangyari sa akin pero laging nagtatanong bakit nangyari iyon? May nagawa ba akong masama? Gusto kong ngumalngal pero hindi ko kaya. Mga kapraningan ang pumapasok sa utak ko. Pinilit kong matulog. May gumising sa akin. Ang isa ko pang kaibigan na may dalang bakpak ng mga damit at personal na gamit. Nagpaalam din agad. Tulog ulit. Pero ang init! Wala man lang bentilador dito. Hay, charity ward nga pala ito.

Sa wakas, dumating ang alas-kuwatro at lumitaw kasabay si Ate Guy. Ang haba daw kasi ng pila sa bangko at sa billing section. Humiling ng assistance sa paglabas at sabi ng attendant “Sandali lang po” pero alas singko na ay hindi pa bumabalik. Humatak si Ate Guy ng wheel chair, pinasakay ako, at tumulak palabas. Doon lamang lumitaw ang attendant para papirmahin ako sa mga releasing paper. Sabi sa papel, “I have transferred on my own accord and the hospital is not responsible for any untoward consequences.”

May ganoon pa?

Para lang makaalis, pirmang doktor ang lumabas sa hawak kong bolpen.

DISKURSO NI DOK
Mahusay na doktor si Dr. Lai. Iyan ang larawan ng kaibigan ng kaibigan kong nagrekomenda sa kaniya. Kung pasyente ka, dapat mong paniwalaan ang doktor mo.

Orthopedic surgery ang specialty ni Dok. Very professional ang dating. Sa teorya ni Foucault, swak na swak siya sa power discourse. Ang kilos, ang delivery ng diagnosis, ang tindig, ang salamin. Susunod ka sa kaniya at maniniwala sa sinasabi niya.

Tiningnan niya ang x-ray at hindi masyadong maganda ang lagay ng sakong ko. Kakailanganin ang metal plates sa operasyon para maghinang muli ang fractured bone. Kailangang maghintay ng limang araw para humupa ang pamamaga ng kalamnan. Bubuksan ng parang letrang L ang gilid ng paa para maayos ang loob na nabasag.

Sana pediatrician na lang ang ipinadala. Ayaw ng tao ang sobrang katotohanan, sabi nga. Pero dahil matanda na ako, kailangang harapin ng tiim-bagang itong operasyon.

Business side agad. “Magkano po ang badyet Dok?”

“Hmm, professional fee 20k, anesthesiologist 10k, metal plates 15 k, plus medication and laboratory fees.”

Mga 60k ang tantiya ko. Ang gastos pala. ”Salamat po Dok,” ang nasabi ko na lang. Diskurso ng walang kapangyarihan.

Nang kunin ng attendant ang blood pressure ko, sabi nito “Itay, ang taas po ng dugo ninyo.” Siyempre, sino ang hindi matetense sa nag-aabang na gastos para sa operasyon.

At kabado na ako sa trauma na idudulot ng mismong operasyon. Hindi na panaginip ito.

OPERASYON
Sa araw ng operasyon, hindi ako mapakali. Pabiling-biling sa umiinit yatang kama. Dumalaw ang isang kaibigan bago iyon at ikinuwento kung paano siya inoperahan sa puso. May itinuturok daw na anim na pulgadang karayom sa gulugod para maipasok ang anestisya. Sakit kaya noon.

Nang isakay ako sa wheeled stretcher, pakiramdam ko palaka ako na titistisin sa laboratoryo. Matapos pasuotin ng pang-ospital na damit, sabi ng nars, tanggalin ko lahat ng suot na pang-ilalim. Palaka talaga.

Pumikit na lang ako at kung ilang palapag ang binaybay ng stretcher, ilang koridor ang dinaanan, bago pumasok sa laboratoryo na parang may ingay ng abalang kusina. May kalampagan ng malalaking kaserola. May lumalagapak na sandok yata at mga metalikong kagamitan. Siguro, nag-iisterilays ng mga gamit sa operasyon. Malamang. Oo, iyon na iyon.

Minaskarahan o piniringan ako kaya wala akong nakitang kahit sino sa nag-opera sa akin. Palaka sa balon. Pinalipat ako sa kamang metaliko. Pinahiga nang parang fetus. May inisprey sa ibabang likod ko. Namanhid ang pakiramdam ko. Maya-maya, parang may isinisiksik sa isa sa mga vertebrae ko. Diyos me, yung six inches nail na iyon! Maya-maya, may isiniksik na namang matulis na bagay sa gulugod ko. Pero wala akong naramdaman. Salamat sa anestisya. Pagkatapos isinabit ang binti at hita ko sa sling. Hindi maganda ang pagkakasabit at agad akong nangalay. Pinilit kong nagsalita para magreklamo pero wala nang boses na lumalabas sa bibig ko. Ito pala ang pakiramdam ng sedated. Antok na antok ka. Ang huling kong naramdaman ay malakas at sunod-sunod na pukpok sa talampakan ko pero kataka-takang walang akong naramdamang sakit. Ang eksena naiisip ko ay sapaterong gumagawa ng bagong sapatos. At ang paa ko ang hubugang ginamit. Inisip ko na lang si Buddha, nakangiti nang mahinay. Inisip ko na lang si Kristo, nakatitig nang tumatagos. Tapos, kompletong dilim. Nagdaraan ako sa libis ng kamatayan, inakala ko.

Alas diyes ng umaga nagsimula ang operasyon. Natapos ng alas tres. Nasa waiting area ako mula alas tres hanggang alas otso. Nagising nang alas siyete. Sampung oras na walang malay.

Ang una kong naramdaman: pagnanais na umihi habang lubog na lubog ang katawan sa pakiramdam ng napakabigat na pagkalastag.

Pinakamakapangyarihang tao sa mundo ang attendant na padaan-daan pero hindi pinapansin ang munti kong pagtango para ipahiwatig na nagbalik na ako mula sa isang napakahabang pagkahimlay. At gusto ko lang namang humingi ng patapong bote ng dextrose para sa tawag ng kalikasan, para sa tawag ng muling pagkabuhay.

CELECOXIB AT NOVAIN
Partner ko ang matinding kirot sa kanang paa sa loob ng isang buwan pagkatapos ng operasyon. Kada otso oras ang turok ng anti-pain. Pinakagrabeng parte ang ikapitong oras matapos ang medikasyon. Diyan umaatake ang sakit. Dama ko ang malaking hiwa sa paa. Pumipintig na parang malaking puso. Biyak na puso. Sagad sa buto ang sakit. Sabagay, talagang buto ang napuntirya ng aksidente.

Ang sarap ngumalngal. Sa kabilang kuwarto, isang oras nang bumibirit sa iyak ang isang sanggol. Tinanong ko sa attendant kung ano ang nangyari sa bata. May kanser sa utak. Kawawa naman ang bata. Ang kirot nga ng sakong ay parang nasa loob ng utak paano pa kaya kung utak mismo ang masakit? Isipin mo ang sakit ng ngipin, gawin mong limampung beses, ganoon ang nararamdaman kong pintig sa hinimay na paa. Ang bata? Doble ng nararamdaman ko? Tama si Elaine Scare, hindi mo mararamdaman ang kirot ng ibang tao, puwede mo lang ma-imagine pero hindi mo gugustuhing maramdaman. Nariyan ang posibilidad ng sarap ng awa o sarap ng pag-torture.

Kaya sino ang hindi maaadik sa kontra-kirot na gamot? Sa ikalawang gabi, sa ikapitong oras, hiniling ko na iturok na ang gamot. Novain. Laking ginhawa. Pero may side effect. Halusinasyon. Bad trip. Psychedelic visions. Ang pangit-pangit. May kasama na akong ibang pasyente sa room at medyo maingay ang ilan sa kanila. Buong angkan kasi ang dumalaw. May nanonood ng Dyesebel. May nagkukuwentuhan. Parang radar ang tainga ko. Naririnig ko lahat. At ang naririnig ko nagkakaroon ng interpretasyong biswal, ke dumilat o pumikit ako. Ganoon pala iyon. Humuhulas ang lahat ng visual tableau kada microsecond. May nakikita akong cake na nagiging sirena, sirenang nagiging buwaya na nagiging dinosaur, bakulaw, at kung ano–ano pa. Mga visual effects ng napanood kong pelikula na naghalo-halo.

Magandang tingnan sa totoo lang pero nakakahilo! Pagkaraan ng sampung microseconds, ayaw ko na. Visual overload. Para kang nanoood ng MTV o Channel V nang fast forward eternally. Nakakasuka.

Dilemang malaki. Visual nirvana o hellish pain? Parehong ayoko.

Sabi ng Ate Vicky, isipin ko na lang na parang kagat ng langgam ang kirot. Susme, iyong langgam sinlaki ng Tyranosaurus rex na ipinagwawagwagan ang sakong ko.

Doble dosis na lang ng Celecoxib na walang side effect ang ibinigay ng nars sa ikapitong oras.

ROOM MATES AT BANTAY
Hindi ako nakapag-asawa. Iyan ang trahedya ko. Sa kabilang kama, maghapong halos magbangayan ang mag-asawang matanda. Iyon ang trahedya nila.

Live ang teleserye sa Room 436. Na-stroke si Manong. Pangalawa na niya iyon. Malapit na maparalisa ang katawan. Hindi mapakapagsalita. Puro ungol lang ang lumalabas sa bibig. Pero mind reader si Manang at alam ang anumang ibig sabihin ni Manong kahit sa muwestra at tinginan lang. Madaldal si Manang at parang drama sa radyo ang usapan. Monologo pala. Aburido si Manang. Ang kulit kasi ni Manong. Gustong magpapasyal palagi kay Manang sa wheel chair elecric chair. Hirap kayang itulak noon. Gusto pa ni Manong pumunta sa first floor. Mas maluwag kasi doon sa ibaba. Kasi dito sa fourth floor, sa loob ng dalawang minuto ay nalibot mo na ang lahat ng sulok.

Isang umaga tumili si Manang.

“Ang libog-libog mo. Kaya ka inaatake!”

Dinakma pala ni Manong ang suso niya. May romansa pa ang dalawa. Kainggit. Ako malamig na unan lang ang laging kayakap. Wala akong madakma kundi ang pumipintig na paa. He he.

Pero maya-maya, tigas naman ang pagmamalaki ni Manang na siya ang legal wife. Mukhang babaero si Manong.

“Isusumbong kita sa Nanay mo!” Tumawag sa cell phone si Manang. Nasa linya bigla ang mother dear ni Manong. Mukhang pinagalitan. Nagsenti. Umiyak si Manong.

“Ayan kasi. Iiyak-iyak ka ngayon.”

Kinahapunan, dumalaw ang mismong Nanay ni Manong. Magkamukha sila. At nagkaroon ng moment of silence ang pamilya.

Samantala, doon naman sa dulong kama, walang maririnig sa lolo, na mahal na mahal ng pamilya, kundi malalim at paminsan-minsang pag-ubo. May katabing makina na monitor sa fluctuation ng tibok ng kanyang ritmo ng puso. Isang gabi, tumili na naman si Manang kasi napansin niyang napayukyok ang lolo at hindi pinapansin ng bagets na bantay dahil abala sa Playstation. Takbuhan ang mga attendant.

Maya-maya, walang puknat na sermon ang inabot ng binatilyo sa mga tiyahing biglang nagdatingan. “Papatayin mo ang lolo! Tarantado ka!”

Sa ikatlong kama, tahimik na inaalagaan ng isang ina ang anak na binatang biktima ng dengue. UP Intarmed student. Saan nakuha ang mikrobyo? Sa kagat ng lamok sa kampus ng UP Manila. Katakot naman. Ilang araw nang pabagsak ang blood platelet count ng pasyente. Buti na lang sabi ng Nanay na hindi bumaba sa otsenta ang bilang. Ito daw ang kritikal na hanggahan. Pag bumaba pa diyan, tepok ka. Matiyaga ang nanay. Ipinagpilitan sa ospital na imonitor ang kondisyon ng anak. Pagkaraan ng apat na araw, may lumitaw na malaking pantal na kakulay at sinlaki ng mabolo sa puson ng anak. Indikasyon daw iyon na tagumpay ang laban ng katawan sa dengue. Wala daw gamot sa sakit kundi ang malakas na resistensiya ng indibidwal. Saludo ako kay Nanay nang sabihin niya na ang isang malaking factor sa pagkaligtas ng sinumang may sakit ay ang tiyaga, husay, at pagmamahal ng nagbabantay.

Hay, saludo ako sa mga bantay kong sina Ate Guy at mga pamangkin niya (gaganda ha), pamangking kong si Jeremy (pogi ha), at ang hugos ng mga kaibigang dumalaw at nanggulo sa akin sa Room 436. Dahil sa inyo, di masyadong mahirap ang nangyari sa akin.

BURYONG
Umaatake ang desperasyon sa pasyenteng napakaraming oras na gugugulin sa meditasyon. Hindi makontrol ang takbo ng utak. Sanga-sanga at kung saan-saan pumupunta. At ang isang parang haywey ay patungo sa kawalang pag-asa.

Bakit ba nangyari sa akin ito? Parusa ng kung sino? Kabayaran sa hedonistang buhay? Siyempre alam kong random event lang ito sa uniberso ng tao.

Kahawig ng isang bilanggo ang may kapansanan. Dito nga sa Room 436 ay wala ako ni isang dipang langit na matanaw, di tulad ni Ka Amado. Pero nararamdaman kong parang nagiging ang gagamba ako sa kaniyang tula. Humabi ng sapot na sa wakas siya rin ang pinuluputan ng sariling sapot. (Gagambino ikaw ba iyan?)

Nagmumula sa makapal na kamang goma ang init. Parang bagang sinasalab ang likod mo na maya-maya ay maliligo sa pawis at kati. Kung may kasumpa-sumpang kagamitan sa ospital walang iba kundi ang kama. Sa harap naman, bumubuga ang hangin ng erkon. Sala sa init, sala sa lamig. Daig ko pa ang planetang Merkuryo. Miss ko ang bentilador at comforter ko sa bahay. Kahit malamok sa KNL mas gusto ko na dun. Puwedeng magkulambo.

Itong wheelchair sa Room 436 kasumpa-sumpa din. Ang tigas ng kasu-kasuan. Ayaw gumulong ang isang gulong. Mukhang electric chair pa sa bigat. Puro bakal kasi. Buwiset.

Niregaluhan ako ng rosaryong pulseras ni Prop. Lilia Antonio. Parang mga black pearl ang mga bolita. Aba bumalik ang pagka-Katoliko ko. Huling rosaryo ko ay dekada na ang nakaraan. Feeling atheist kasi ako. Sa oras ng pagkaburyong may espritwalidad na umusbong. Bumalik ang pagbulong ng “Hail Mary.” Natatawa akong di ko malaman. Asiwa naman itong ginagawa ko. “Brother Joey, ikaw ba iyan?” Oo! Magtigil ka.

E dinalaw pa ako ng bagong kaibigang pari, si Fr. Nilo Mangusad ng EDSA Shrine. Nagdala ng meryendang Thai na pinagsaluhan namin ng kaibigang classical singer, Ms. Josephine Gomez na maepal na tumawag sa doktor ko para bigyan ako ng discount sa doctor’s fees. Baka lalo akong taasan ng singil, makulit kasi itong mang-aawit. Pero mabait hehe.

Nagbabanta ang metanoia sa utak ko. Inspirado tuloy ako tumula. Naalala ko ang masugid na pari noong hay-iskul pa ako at inimadyin kong dinalaw niya ako sa gitna ng kaburyungan.

ANG PARI

Para siyang balumbon ng ulap
na lumilibot sa mga ward
tuwing alas-sais ng umaga.
Ibinabadya ng taginting ng kampanilyang
ikinakampay ng sakristang pupungas-pungas
ang kaniyang lumalakad na pagdalaw,
kasabay halos ng rasyong kape’t pandesal
sa mga pasyenteng nakikipagbuno
sa bangungot ng magdamag
sa limahid na kubrekama ng lungkot.
Walang palya, walang sawa
ang pagbendisyon sa lulugo-lugo,
buryong, abandonado, ulyanin,
mabaliw-baliw, at naghihingalo.
At parang pinagpag ng biglang
pagdapo ng mga kalapati sa pasemanong
hindi pa napapalisan ng alabok,
magliliparan ang mumunting ligalig
na namamahay sa balat ng lahat.
Bitamina ang mahinay na sinag
ng araw na umaagos sa bintana.
Ang mga muta, ang mga langib
ang mga buntunghininga’t pagkangalay
ay tila nililinis ng lumilipad na hamog
mula sa kaniyang mga daliri.
Umiimbay siya kipkip ang salteryo
at umiimbay din ang sutanang
sa tama ng umiinit na araw
ay sumisilaw kahit sa matang
nakapikit sa biyaya ng pag-asang
bago at nariyan, nariyan lamang.
Babagtasin niya ang kuwarto,
at marahang huhupa ang taginting
ng kampanilyang sumikdo sa tainga,
at maiiwan ang yabag ng pari
sa sahig na napatakan ng banal na tubig.

CHECK OUT
Tulad sa unang ospital, matagal ang inabot bago mag-check out sa PGH. Matagal akong nakatanga sa Room 436, naghihintay na maproseso ang mga papeles. Ako ang unang pumasok dito sampung araw na ang nakakaraan. At ako ang huling lalabas.

Habang naghihintay, inambush ako ng chief nurse. Puwede daw ba akong modelo. Wow okey iyan. Walang akong magawa dahil nakasakay ako sa wheel chair. Okey lang din naman. Kasi may media sa labas ng gumagawa ng video presentation tungkol sa kontribusyon ni Pangulong GMA sa pagtatayo ng bagong gusali ng PGH. Walang occupant sa mga room para sa solong kuwarto at tamang-tama puwede akong kunwang pasyente doon. Akting na masaya ako sa serbisyong hatid ng ospital. Ang Direktor ng PGH ang mismong umasikaso sa akin. Hindi ko naman napakinabangan ang first class amenities ng ospital tapos endorser pa ako ngayon. Sige sakay na lang. Sentenyal naman ng UP.

Kinuwentuhan ako ng Direktor na noong panahon niya sa Diliman– 10 sentimos lang daw ang pamasahe sa Ikot. Mga late 1950s siguro iyon. Ngayong 2008, P7 na ang pamasahe. Tapos, nang makakuha na ng footage, sibat na ang Direktor. Pati ang camera man. Dramatic silence ang sumunod. Mga 10 minutos na iniwan ako ng mga kumag. Kundi ba naman. Pagsasamantala sa may kapansanan! Insidental lang na may pumasok na janitor sa kuwarto. Nagpahatid ako pabalik sa totoong kuwarto ko.

Natagalan si Ate Guy sa pagproseso ng papeles sa paglabas. Nataranta dahil nag-debit ang kaniyang ATM. Pahihiramin niya kasi sana ako. Mukhang bulilyaso. Ako naman ang nataranta. Tumawag ako sa kaibigan ko (user friendly ang drama ko) na si Mam Gaying para utangan. Mabuti naman at handang magpautang ang mayaman kong kaibigan.

Kaso hindi pa rin ako makakalabas kahit may pambayad. Kasi ang nakalagay sa records ay Romulo Baquiran. Tatay ko iyon. Mukhang natupad ang hiling kong sana ay panaginip lamang ang lahat ng ito. Hindi ako ang naaksidente at naospital. Nagpapanggap lamang ang nakaupo sa wheel chair.

Mabuti na lang ginarantiyahan ako ni Blessie, ang k staff ng isang opisina sa PGH. Pero sa kondisyong salary deduction ang sistema. Ibig sabihin, si Blessie ang magbabayad ng bill ko. Nakakahiya naman.

Sobrang lakas ng ulan noong gabing pauwi ako. Biglang bumaha ang mga daan sa pasikot-sikot ng village na dinaanan namin sa Fairview. Umalsa ang mga estero at nagkabuhol-buhol ang trapiko. Parang ayaw akong pauwiin ng kalikasan. Ano na naman ang kasalanan ko (praning na talaga).

Pero nakauwi rin sa wakas. Inabot nga ng alas nuwebe. Ang sarap matulog sa sariling bahay. Parang hinehele ako ng buhos ng ulan sa bubong na yero.

HELLO PAPAYA
Sa mga dumalaw sa akin, prutas at gatas ang madalas na bitbit. Okey lang ang prutas. Nakakasawa lang kaya hindi ko pinapansin. Ayoko na ng mansanas. Ayoko na ng saging. Ayoko na ng ubas. Ayoko na ng ponkan. Sa totoo lang, ayaw ko na ng kahit ano.

May melamine scare pa noon kaya nag-aalangan naman akong inumin ang Anlene. Tapos, sabi pa ni Ipat Severino hindi para sa tao ang gatas ng baka. Inaagawan natin ng pagmamahal ang batang baka. (Lilitsunin pa ng tao ang batang baka. May lulupit pa ba sa tao?) Sa sobrang dami ng protina ng gatas, natatangay lang palabas sa katawan ang calcium. Sayang lang daw.

Marami ring estrogen ang gatas ng baka na nakakaistorbo sa natural na balanse ng hormone sa katawan. Ito raw ang malamang na dahilan kaya maraming nababakla sa henerasyong ito. Hindi rin ganoon kaligtas sa impeksiyon ang gatas. Posibleng nahaluan ito ng nana ng baka. Uh! Ayaw ko na ng gatas.

Saan naman ako magmimina ng calcium ngayon?

Alternatibo ng gatas ang soya milk. Para lang umiinom ng taho at tokwa. May mga flavored version. Masarap. Mas mahal nga lang sa gatas.

Marami daw pagkain ang Pinoy na magandang pagkunan ng calcium. Natural na nahahatak palabas ng sampalok o iba pang pang-asim ng sinigang ang calcium na nasa buto ng nilulutong manok o baboy. Kaya tuwang-tuwa ako ng nangako si Ipat na ipagluluto ako ng sinampalukang manok. (Tinupad ito ng star lawyer at life partner ni Howie Severino ilang araw bago ako lumabas).

Kung magagawa ko daw, puwede kong ipunin ang tinik ng sardinas. Calcium rich iyon. Sori muna sa alaga kong si Miming, babawiin ko muna ang one year supply niya ng Ligo at 555.

Sabi naman ni Ms. Josephine Gomez maganda ang papaya. Sige payag ako sa papaya. Makakababa pa ng libido. Pero sa kirot na nadarama ko, nawawala na iyon. Makakatuon na ako sa mas matatayog na gawain (asus!). Kaya lang matabang ang mga nabibiling papaya sa palengke o SM. Gayunman, relihiyoso ako sa pagsasama nito sa aking therapeutic diet. Goodbye muna sa Nova, Chiz Curls, at Oishi.

Mayaman din sa calcium ang linga o sesame seed. Nagpabili ako at tinikman. Mapait. Mas gusto ko ang mamantikang butse ng Chow King na pinagulong sa linga. Bakit kaya ang mga nakakabuti sa katawan kundi mapait, mapakla, maanghang o maasim? Hinahanap ng dila ang matamis, maalat, maalkohol, at masebo na masama naman ang epekto sa atay, lapay, bato, at puso.

Maganda din daw ang malunggay, saluyot, okra at iba pang lunti at malaway na gulay. Para akong nagpapasusong ina nito.

Ang hirap magpaka-wholesome!

SARILING SILID
Totoong welcome home ang dinatnan ko sa bahay. Inayos ang isang silid para sa akin. Kuwarto iyon na ginamit ng pumanaw ko nang ama at ina. Ginamit din iyon ng pamangkin kong si Ervin noong wala pa siyang asawa.

Sabi ko alisin ang foam sa kama. Baka parang hospital bed na naman ito. Ayoko ng mainit. Nawerduhan ang ate ko sa akin. Okey naman daw na may foam. Matigas na kahoy ang kama. Hindi daw ito maganda sa likod kapag hinigaan. Sige na nga.

Sabi ni Frank Cimatu para daw akong iyong protagonista sa Rear Window ni Alfred Hitchcock. May semento rin kasi iyon sa paa. Pero walang rear window ang bahay namin. Bukod sa walang masisilip na misteryosong karakter sa kabilang bahay.

Naririnig ko ang mga kaluskos at usapan ng sinumang nasa labas ng silid ko. Nasa likod din ang alagang asong si Panda na nang minsang isipol ko ang paboritong awit ay tumahol nang tumahol. Tsk, tsk ganoon ba kasama ang taste ko sa music? Pinakain ko nga kinabukasan si Panda at palagian na kapag may nakita akong maipapakain sa kaniya sa kusina. Mula noon, kahit anong kantahin ko, Aegis man o Air Supply, okey na kay Panda. Pati pala aso nasusuhulan din.

Isang gabi, hindi ako pinatulog ng mga aso. May bagong tutang inalagaan ang pamangkin ko. Bigay ng kapitbahay. Itinali sa labas. Buong gabi, umiyak nang umiyak ang tuta. Sabi ko sa kapatid ko, isauli muna kasi masyadong baby pa ang tuta. Hinahanap pa ang ina. Hindi nakayanan ni Panda ang iyak ng tuta at siya mismo ang ngumalngal nang pagkalakas-lakas at buong damdamin. Dadaigin ang theater major sa akting. Parang sinasabi sa mga tao sa bahay: “Mga punyeta kayo, pansinin at alagaan n’yo naman ang tuta.” Ganoon nga ang ginawa ni Tita Bheng, ang kapatid ko. Binigyan ng gatas at higaan ang bagong tuta. Alas-singko na nang tumahimik ang tuta. Pero pagdating ng alas-sais, ang aso naman ng kapitbahay ang nag-ingay. Ano ba ito, bayan ba itong mga aso?

Kinabukasan, malambing pala ang tuta. Nakakatuwa. Dinilaan ang hinlalaki ng paa kong may sugat. Pinatawad ko agad sa pag-iingay na ginawa kagabi. Pinangalanang Tiger. May patse-patse kasi sa balahibo na parang sa tigre. Ang sigla-sigla. Kalatog pinggan. Tahol nang tahol kapag nakarinig ng kumakain. Gustong laging makipaglaro. Mga ilang araw lang, napagdiskitahan ng hipag ko ang tuta. Inarbor. Wala daw bantay sa kanila. Pero hindi nagtagal ang buhay ni Tiger. Nakapulot ng patay na maya. Gustong kainin. Hinatak sa kaniya ang ibon pero ayaw bitawan. Nakipaghilahan. Nalunok ni Tiger ang ibon. Nabilaukan na siyang ikinamatay nito. Tuta lang pero namiss ko. Nakikita ko ang kislap ng mga mata ni Tiger hanggang ngayon.

Tuwing umaga, ginigising ako ng awitan ng lovebirds na nakasabit sa labas ng bintana. Sinasabayan pa ng mga malayang ibon na umaarya sa punong abokado. Minsan, may dumalaw na mga estudyante sa elementarya na nagpaturo ng features writing. Naging example ko ang mga love birds. Ang sabi ko, halimbawang paksa nila ang mga nasa hawla, ano ang susulatin nila? Siyempre kailangang ilarawan ang makulay na plumahe, ang malambing na awit, ang pagmamahalan ng pares. Pero ano talaga ang tema sa pagtuon sa paksang ito? Drinamahan ko na “kagandahan” at “kalayaan” ang talagang sabjek ng artikulo. Mga ilang araw, pagkaraan, narinig ko ang tatlong desperadong igik. Parang naipit na daga. Nanlumo ako nang sabihin sa akin na nag-suicide ang isa sa mga lovebirds. Baka narinig ang lecture ko sa kawalan nila ng kalayaan? Ng kanilang pagiging representante ng kagandahan? Pinakawalan agad ang naiwang ibon. Sabi ng bayaw ko, nagtampo pala ang mga ibon dahil mali ang nabiling pagkain ni Jeremy. Ayaw nila ng mais.

May malaking gagamba din sa silid. Iyong mabalahibo at kumakain ng ipis at butiki. Minsan, napunta sa tuwalya kong ipapamunas ang gagamba. Napatalon ako sa takot. Napatalon din ang gagamba. Napunta sa paa ko (sa lahat naman ng lugar! Parang pelikula ni Dolphy at Panchito). Ikinawag ko nang ikinawag ang paa. Iyong may cast pa mandin. Tumalon ulit ang gagamba. Napunta sa ilalim ng kama. Hay aatekihin ako sa gagambang iyon.

Regular na bisita ko din sa silid ang mga bubuwit, langgam, butiki, at lamok. Pero pinakapaborito kong bisita ay ang alitaptap. Lipad nang lipad. Bumubuo ng guhit na naiiwan sandali sa madilim na gabi at gayundin sa inaantok ko nang mata.

NABAWASAN
Sa mga walang kapansanan, hindi pinapansin ang sigla at lakas ng katawan. Nariyan lang iyan sa pagtupad sa mga routine. Sa mga nabawasan ng pisikal na abilidad, malalaman mong napakahalaga ng kahit isang kasu-kasuan ng kamay o paa.

Isipin na lang ang pagsusuot ng brief o panty (oo, masarap gumamit ng panty) nang isang kamay lang ang gamit. Parusa iyan. Kung saan napupunta ang garter. Sumasaliwa ang pundilyo. Hindi masalo-salo ang dapat saluhin. Parang supot ng lugaw na lumusot sa puwet ng bag. Buwiset. Sa kaso ko, puwede ko naman gamitin ang isa ko pang kamay pero bubuka ang tahi kapag pinuwersa ko.

Problema rin ang paliligo. Dalawang linggo rin akong di nakapagbuhos ng tubig sa ospital. Puro punas-punas lang. Ang ulo kailangang isalang sa lababo para shampuhin. Mabuti na lang maikli ang buhok ko. Ayokong maging Sadako. Pero ito ang hindi maiwasan: ang maging inapo ni Datu Puti.

Dami kayang seremonyas ng disabled kapag nagbanyo. Malaking hamon ang lumipat mula sa wheel chair papunta sa loob. Ayaw na ayaw ko pa naman ng inaalagaan. Nataranta ako nang sabihin na kailangan akong buhatin. Ayoko nga. Hindi ako disabled. Kailangan lang may umalalay sa pagtayo. Limang piye lang ang layo ng lilipatan pero pinagpapawisan akong tawirin ang agwat. Kapipilit ko lumala ang pilay ng isa ko pang paa. Kailangang panindigan. Walang dignidad ang pag-aming nabawasan ka.

Dalawang upuan ang kailangan sa shower. Upuan ang isa, patungan naman ng nakasementong paa ang isa. Tapos, one hand job lahat. Hindi nga kasi puwedeng mabasa ang daliring may sugat. Umaalagwa ang sabon sa kamay. Nahuhulog ang tabo. Hindi maayos na makapagtanggal ng libag. Tumutubo tuloy ang mga kurikong sa puwet. Parusa talaga.

Naalala ko tuloy ang kaibigan kong propesor sa UP Baguio nitong summer lang. Pilantod kasi iyon. Napolio siya noong bata. Gusto kasing mag-taxi e ang lapit lang kaya ng campus sa mall. Inisip ko na ang arte naman. Ang ginawa ko, hinatak ko para maglakad. Bubuntot-buntot siya sa akin. Sabi ko, kaya mo iyan. Sa lamig ng bundok, ginitilan siya ng pawis pagdating sa itaas.

Ngayon, alam ko na ang hirap na ipinagawa ko sa kaniya. Tapos, biglang nag-ring ang cell phone ko. Baka si Sadako! Hindi. Ang kaibigan ko mula Lungsod ng Pino. Masayahin at palabiro iyon.

“Kumusta ka na? Naaksidente ka raw. Kawawa ka naman. Gusto mo lang yatang gayahin ang lakad ko e.”

Hindi ko malaman kung matatawa ako o maiiyak.

LANGGAS
Sabi ko kay Doctor Lai makakalakad na siguro ako pagkatapos ng isang buwan. Tanda ko kasi na noong disaseis ako, mga ganoon lang katagal ang paghilom ng nabali kong braso.

“Isang buwan? Tatlong buwan bago maghilom ang buto ng nasa edad mo,” sabi ni Dok.

Kainis. Ang tanda ko na pala. Ngayon ko lang narealize nang husto. Kalungkot naman. Matetengga ako nito nang matagal. Tiyagaan ang pagpapahilom ng buto. Proyektong Calcium ang tawag ko dito.

Araw-araw kailangang linisin ang sugat na korteng L. Katakot, ayaw ko tingnan. Pero sinilip ko rin. Parang alupihan na nakabalatay sa ibaba ng bukongbukong. Namumula at may parteng nangingitim. May dalawang nakausling parang pako sa sakong. Suporta sa pagtubo ng buto.

Sa paglalanggas, unang aalisin ang buhol na benda. Itsura ng paa ng mummy. At hahanguin ang paa sa proteksiyon ng casting. Hindi full cast ang semento. Kalahati lang kaya madaling buksan. Unang dadampian ng bulak na tigmak sa agwa oksenada. Parang may kirot na guguhit sa pagitan ng mga tahi. Maya-maya, bulak na may Betadine naman ang isusunod na ipupunas. Hindi naman masakit pero mabusisi ang gawaing ito. Inobserbahan ni Jeremy, ang pamangkin kong nars, si Dok Lai para sa tamang paglanggas.

Bawal mabasa ang paa siyempre. Laging nakakulob. Punas ng bimpo lang ang ginagawa. Kinukuskos ng alkohol. Pero iba talaga ang todong banlaw ng sabon at tubig. Kahit ilantad nang kalahating oras araw-araw, hindi nauubos ang amoy. Kaya umabot sa puntong sumangsang na. Hindi naman dahil sa nabubulok kundi natural na amoy lang. Sa taong malinis sa katawan, parusa ang masinghot ang bantot na nanggagaling sa sariling paa mo.

Mahirap ang nasusugatan. Dala mo habambuhay. Cliché na naisip kong higit pa ang sugat na naiwan sa kamalayan. Malaking peklat na paalala ng sakuna. Hindi nabubura ng araw-araw na langgas.

Pero araw-araw, may improvement na nangyayari sa sugat. Humihigpit ang tahi. Nabubuo ang langib. Humuhupa ang maga. Hindi naiimpeksiyon. May kapitbahay kaming natuluyan nang hindi naituloy ang pag-inom ng antibiotics. Kaya konsolasyong malaki ang hinay-hinay na paghilom.

Mahihiling sa ganitong sitwasyon na isa ka sa X-Men; na isang segundo lang, maghihilom na ang sugat; na agad, makakabalik ka sa sa mundong mahal na mahal mo pero kailangan sumandaling iwan.

Sa ngayon, isa ka munang X.

JEREMY
Sosyal ako sabi ng kaibigan ko. May private nurse pa. Hindi naman private nurse si Jeremy. Pamangkin ko iyon. Nagkataon lang na graduate ng nursing sa Fatima University. Hindi pa siya employed. Kasalukuyang intern sa isang government hospital. Sabi ng ate, kasama sa internship niya ang pagsisilbi sa akin kaya walang bayad.

Naintindihan kong lalo kung bakit patok ang mga care giver dito sa Pinas at sa ibang bansa. Marami ang kailangan ng kalinga. Sa malaking halaga, handa ang marami na maglinis ng puwet at magsilbi sa pasyenteng hindi na kayang alagaan ang sarili. Hindi naman kailangang hugasan ang puwet ko at hindi ko naman masyadong kailangan ang kalinga. Ilang minuto lang ang kailangan gugulin ni Jeremy. Kapag oras ng langgasan—tuwing ika-6 hanggang ika-8 ng gabi—kailangang nariyan siya.

Minsan, natapat na nanggaling siya sa inuman sa oras ng langgasan. Mabilisan ang ginawang niyang linis. Nagkataong sinilip ni ate ang ginawa niya. Pinagalitan kinabukasan ng ina ang anak na hindi puwede ang bara-barang langgas.

May itsura ang pamangkin ko. Crush siya ng isa sa mga bisita ko at humanga na sa Rodriguez Hospital sa Tala siya naglilingkod. Sa loob ng apat na buwan, dalawang beses na nagpalit ng girlfriend. Mga isang buwan na pinakain sa bahay ang unang babae. Ganoon din ang pangalawa. Pero malihim e. Hindi ko nakuha ang kuwento. Basta bigla isang araw, hindi na ang unang babae ang dinadala sa bahay.

Doon sa pangalawa, madalas na hindi niya nabubura ang mga text messages kaya nababasa ko ang mga “Luv u baby.” Nanghihiram kasi lagi ng cell phone. Tiyak din nababasa niya ang mga “Love you” message ko. Bawi lang ang magtiyo. Kaya tigas ang hiling niya na makabili ng bagong cell phone. Humingi sa isa pa niyang Uncle, si Onack, ng pambili ng cell phone. Dinagdagan ko na lang kaya Samsung u600 ang nabili niya. Maganda pa sa unit ko ang unit niya. Binigyan ko na ng iPod iyan ha. Maluho ang mga bata ngayon.

Mahilig kumain si Jeremy. Pagkatapos ng tanghalian, maghahanap ng meryenda. Lagi siyang naghahanap ng tsitsirya at softdrinks. Terminator ang tawag sa kaniya sa bahay. Kasi lahat ng laman ng ref kapag ginutom siya iteterminate niya. Pero hindi naman tumataba.

Madalas akong mawalan ng sulphur soap. Siya pala ang umuubos para sa kaniyang pisnging madalas tubuan ng taghiyawat. Hindi naman kaya para doon si Dr. Kaufman. Bibigyan ko na lang ng pambili ng Clearasil. Nagtataka din ang kapatid kong si Bheng kung bakit nauubos ang kaniyang Pond’s whitening cream. Aha, wala ibang may sala kundi si Jeremy. Matagal din siya kung pumustura sa salamin. Tinitingnan kung ayos ang porma. Banidoso ang mga kabataan ngayon.

Aba noong Pasko may card na ibinigay sa akin. Ang sabi, “Alam ko pong marami pa kayong tutulungan kaya maibabalik ang dati ninyong lakad.”

Tiyak ako, kasama siya sa mga tinutukoy niyang dapat tulungan. Okey, gagawa ako ng card para sa kaniya. Ganito ang dedikasyon: “Kapag hindi bumalik ang lakad ko, ako ang tutulungan mo ha?”

TSARAP-TSARAP
Nade-depress pa rin ako lalo na sa gabi. Sa araw kapag maraming ginagawa, maraming mapag-aabalahan, hindi kumikirot ang paa. Pero sa gabi, toxic, andiyan ang sakit. Naubos ang savings ko sa Celecoxib at Coamixiclav, antipain at antibiotics. Nagrorosaryo pa rin si Brother Joey bago matulog. Salamat din sa baroque music sa mp3 player, naiiwasan ko ang insomnia.

Masarap lang sa may sakit o baldado, lahat gusto ka alagaan. Feeling mo lab na lab ka. Hindi mo lang alam ang mga kaaway mo o galit sa iyo, isa lang sinasabi, “Buti nga sa iyo.”

Supportive ang pamilya ko. Pati si Onack na nasa Saudi, binilinan ang hipag ko na ipagluto ako ng pagkain. Sabi ng kaibigan ko, huwag ako magpataba dahil hindi maganda na sa muling paglakad ko ay may dagdag na dalahin ang paa. At hindi magandang pakinggan ang baldadong mataba. Mas maganda ang baldadong payat. Mas nakakaakit ng simpatya.

Ang misyon naman ng hipag ko, patabain ako. Continental breakfast ang gustong ipadala sa akin araw-araw. Sabi ko, tsokolate at quakers oat ang gusto ko. At ang walang kamatayang papaya. Parang disappointed siya. Gusto yatang ipakita ang kaniyang culinary expertise. Mahilig kasi magluto si Tita Irma.

Kapag tanghalian, mga tatlong putahe ang inihahanda. Pritong isda, adobo, at sinigang. Iba-iba araw-araw. Fried chicken, coleslaw, meatballs sa miswang may patola. May dalawang klase ng meryenda sa hapon. Ginatan at pansit. Camote cue at turon. Mamón at graham cheesecake. Tsarap-tsarap. Iyon ay kung may gana ka. At kung naghahanap ka ng dagdag na force of gravity sa katawan.

Pero hindi naman problema ang pagkonsumo ng bangkete. Titikim lang ako ng kaunti, tapos take-over na si Jeremy, ang terminator at ang kaniyang girlfriend.

Pinakapatok na putahe niya ang seaweed salad. Pati bayaw kong may gout hinihingi na lang ang salad kapag nakita niya ito sa mesa.

Masyado naman yata akong pihikan akala siguro ng hipag ko. Kaya ako na lang ang pinaisip niya ng menu. Dahil calcium obssessed ako, ang naiisip ko lagi ay sinigang na manok, sinigang na baboy, sinigang na hipon, sinigang na bulalo, sinigang na tinola, …kailangang mapiga ang calcium sa buto ng mga hayop na iyan! E kung kainin ko lang iyong buto? Hindi friends kami ni Panda. Ayaw ko agawan ng tsibog at prophylaxis ang aso.

Nang magaling-galing na ako, nagluto ako ng adobong baboy sa tausi. Binigyan ko si Tita Irma. Masarap daw. Ipinagluto ko din siya ng genuine na pakbet. Pero siyempre kapiranggot na ganti lang iyon sa handaang padala niya araw-araw.

ANAK
Sa mga klasmeyt ko sa hay-iskul na dumalaw sa akin, marami ang maagang nag-asawa. Hindi ko makilala ang ilan dahil parang ang tanda na. Hula ko, hamak na naging mabilis ang kanilang pag-edad dahil sa tungkulin ng pagpapamilya. Kailangan nilang kumayod para buhayin, pag-aralin, at patuloy na suportahan ang asawa at anak.

Opsiyon ang pag-aasawa. Hindi ko sinuong ito para lamang karaniwang dahilang sa pagtanda ay mayroong mag-alaga sa iyo. Kumbinyenteng dahilang iyon bagama’t sa nangyari sa akin parang nakakaengganyo nga. Di sana kung may anak ako at sila ang nag-aalaga sa akin.

Mga anak ng kapatid ko ang nag-alaga sa akin. Beinte-singko porsiyento ng genes nila, genes ko rin. Kaya may mutual affinity at tungkulin pa rin kahit hindi ko hilig ito.

Cool naman sa parenting ang dalawang kapatid ko. Hindi katulad ng tatay ko na masungit. Kung pagsabihan nila ang kanilang mga anak, parang barkada lang. “Anak, hindi ka raw pumasok. Kinabukasan mo ang nakataya diyan. Huwag mo nang gagawin yan ha? Papasok ka na bukas.” Sabi ni Bheng, kung masyadong seseryosohin ang kalokohan ng anak, baka sumakit lang ang ulo niya. At nalaman niyang hindi naman epektibo ang pagtataray. Kung si Tatay iyon ganito, “Punyeta ka, saan ka nagpunta kahapon? Huwag na huwag kang aabsent.” Iba na ang estilo ngayon. Kung ako iyon, baka nga Tatay-style ang magawa ko. Ewan ko rin.

May biruan pa ang eksena ng mag-ina.
“Anak, ano ba ang gusto mong trabaho?”
“Macho dancer.”
“Ano ka ba. Pag-aaralin ka ng Tito Joey mo sa Don Bosco. Two years lang.”

Nakompromiso pa ako. Sige mag-macho dancer na lang siya.

Medyo namomroblema naman dito si Tita Irma. Guwapo kasi ang anak niya at habulín ng babae. Kinakabahan siya na mag-asawa agad gayong magkokolehiyo pa lang. Nagsimula sa kursong nursing. Natuwa nga ako at mukhang masipag mag-aral. Nagpunta pa ng UP para mag-research sa library. Pero sa kalagitnaan ng semestre biglang tumigil. Mahirap daw ang math at anatomy. Magsi-shift sa Naval Engineering. Ibig sabihin nito, sa June 2009 na uli siya mag-aaral. Nalungkot tuloy ang tatay niyang si Onack na nasa Saudi.

Siklo ang mga pangyayari. Alam ng mga magulang na kailangang magsikap ang mga anak sa pag-aaral. Pero ang mga anak, ayaw seryosohin ang kanilang kinabukasan. Mas gustong manligaw at magdeyt. Hindi naman puwedeng maging pasista at ipagpilitan sa kanila ang buhay na gusto ng magulang para sa kanila.

Nagpagawa nga ng sulat si Tita Irma para sa pamangkin niyang mag-aasawa. Sa isang pagtingin, ito na lamang ang maihahabilin ng magulang sa mga anak. Sa pamangkin niya ito na anak na ang turing:

Gusto kitang laging samahan sa iyong paglalakbay. Maraming hamon ang mundo. Noong bata ka ay nagabayan kita kahit paano. Nasanay akong nakikita kung saan patungo ang mga hakbang mo.

Pero ngayon ay nakahanda ka na para sa isang bagong pakikipagsapalaran. At gusto man kita samahan, hindi na ito katulad nang dati dahil may makakasama ka na malapit din sa iyong puso.

Pero huwag mong isipin na pababayaan kita. Dahil saan ka man makarating at saan ka man dalhin ng bago mong buhay, lagi akong nasa likod mo para gabayan ka at dumadalangin ng lagi mong tagumpay.

Sumasaiyo,
Tita Irma

BLEPIRHITIS AT AMOEBIASIS
Dahil natengga sa bahay, marami akong panahon para magbasa. Binasa ko ang mga nobela ni Henry James at Philip Roth. Mahinhin ang estilo ng una samantalang brusko’t macho naman itong huli.

Madalas tuloy mangati ang mata ko sa sobrang bása. Sarap kuskusin. Minsan napatindi ang kuskos. Namaga at naimpeksiyon. May nanang nabuo sa loob ang kaliwang mata ko. Nang matapos ang konsultasyon kay Dok Lai sa Cardinal Santos, lipat sa klinika ni Dok Evelyn Ambrosio. Maraming tao ang hindi raw marunong mag-alaga ng mata. May blephiritis ako. Resulta ito ng duming naiipon. Dapat daw nililinis ang mga pilikmata. Marami itong alikabok mapapalis sa sa pahilis na pagpahid ng cotton bud. Ingat lang at baka masundot ang mata. Malinis nga ang pilikmata mo bulag ka naman. Ayaw.

Niresetahan ako ng fusidic acid drops at Coamixiclav. Bumalik na naman ang antibiotic regimen. Kailangang takpan ng gasa ang mata. Itsura ng pirata. Nakasimpatya na ako kay Ms. Josephine Gomez na may eyepatch. Wala nga lang malanding sequins ang gasa ko. Paggising sa umaga, hindi dilaw na kristal ang nasa talukap ko kundi dilaw na krema. Liquid sequins. Yaiks.

Malas ang linggong iyon sa akin. Pagkatapos na gumaling ang mata ko, amoebiasis naman ang umatake. Ako lang naman sa bahay ang tinamaan. Buong gabi akong naglabas ng dilaw, itim, at sa wakas pulang likido. Yaiks na naman. Kinaumagahan, dehydrated na ako. Hilong-hilo at di makagulapay. Itinakbo ako sa ospital. Ngalngal kasi kailangang iniksiyonan ng skin test para sa allergic reaction sa drogang gagamitin. Dalawang turok bawat set. Ang sakit! Namaga ang balat ko. Kaya isa pang skin test para masigurado. Buwisit na attendant gusto yata akong saktan talaga. Sabagay malikot lang siguro ako. Napapaigtad kasi ang braso ko pang andiyan na ang dulo ng heringgilya. May dalawang attendant ang humawak sa akin. Panlimang turok ang dextrose. Pero naging anim, pito, walo! Buwisit na atendant. Hindi marunong manghuli ng ugat! Ipahuli ko kaya sa Philippine Medical Association?

Pinapili ako ng kuwartong ookupahan. P300 non-aircon. P800 aircon. Hamak na guro lang ako kaya di ko kaya ang may air con. Hay buhay.

Pinalaklak ako ng Gatorade para bumalik ang electrolytes at salts sa katawan. Hinang-hina ako. Pinainom ng Buscopan para sa humihilab na tiyan. Metronidazole para sa amoeba na nag-squat sa tiyan. Noong high school sinilip ko ang pagdidisko nila sa microscope; ngayon naman hindi lang ako sinilipan ng mga hinayupak, pinasok pa nila ako. Pana-panahon lang talaga.

Kada 30 minutos kailangan kong mag-CR. Patalon ako kung pumunta doon. Masikip kasi ang kuwarto, hindi ka makakalakad habang kaladkad ang dextrose na nasa sabitang-T na isinusunod naman ng pamangkin. Itsura ng one-footed kangaroo na naka-boots pa.

Balik sa trauma ng mainit na kama. Ng pagkawala ng gana. Importante pa namang kumain sa ganitong kondisyon. Pero nagrerebolusyon sa loob ng bituka. Walang magagawa ang may katawan kundi ang maghintay sa resulta ng labanan ng dayuhang protozoa at ng kontra-protozoa.

Mahusay naman ang doktor ko, si Dr. Bermudez na halos family doctor na rin. Siya ang nagpaanak sa kapatid at hipag ko. Kahit naka-wheel chair, cool siya. Noong isang linggo lang, pareho kami ng itsura. Naiisip-isip ko, hindi siya depressed sa kapansanan niya. Pinagselosan kasi siya noon. Biktima ng crime of passion. Ipina-hitman siya. Babanatan na siya sa bumbunan nang biglang tumingala. Sa leeg tinamaan. Nadaplisan ang kaniyang spinal cord. Naparalisa tuloy. Pero hindi apektado ang utak. Nagtayo ng sariling ospital na mukha namang patok. Idol pa ngayon ng may kapansanan. Yo!

Nagbayad ako ng mahal pero ayos lang. Basta wala nang mga amoeba na nagdidisko sa aking tiyan.

CEMENT O AIR CAST?
Nang matanggal na ang tahi ng sugat ko, dalawang linggo pagkaraan ng operasyon, puwedeng semento o Air Cast ang mga opsiyon sa patuloy na pagprotekta sa paa. Pinapili ako ni Dok Lai.

Mabisa talaga ang cement cast. Hindi mapapakialaman ng pasyente. At mura. Bendang may semento at tubig lang ang puhunan. Kaya lang kapag pinasok ng surot, patay ka sa kati. Puwede namang bumalik sa ospital at magpagawa ng bago kung sakali. Iyon nga lang perhuwisyo ang magpabalik-balik sa ospital. O sundutin na lang ng tingting ang surot? Malabo iyon.

Ang Air Cast naman, sobra sa mahal. Para kang bumili ng orihinal na Nike Air. At iisang piraso lang. Pero kumbinyente. Puwedeng buksan kung gusto mo para mapahanginan ang mabahong paa. Nailalakad pa agad.

Air Cast ang pinili ko. Hindi ko pinagsisihan. Parang sapatos ni Neil Armstrong. Parang naglalakad sa buwan kapag suot mo. Ang lambot. Hindi bale nang nabawasan…mas tamang sabihing naagaw ang badyet ko para sa papaya at gulay.

Tinawag na air cast ang sapatos kasi binobombahan ito ng hangin para humigpit ang pagiging kasya nito sa paa. May fiberglass casing na siyang suwelas mismo. May dalawang plastic bag ito sa bandang sakong na umaalsang lobo kapag pinasok ng hangin. Cement cast din ang epekto. Talagang hindi maigagalaw ang paa kapag suot. Magaling ang nakaimbento nito. Tiyak mayaman na siya sa kaniyang patente dahil sa dami ng pasyenteng nagkagusto sa disenyo niya.

Nang sabihin ni Dok Lai na puwede kong ibenta sa kaniya ang Air Cast kapag galing ko, inisip ko ayaw ko. Dahil ba may sentimental value sa akin ang sapatos? Hindi. Noong naglalakad na ako nang malayuan, may nalaman ako. Sa sobrang kapal ng air cast, pilantod ang nagiging lakad ko. Hindi kasi magkapantay ang totoong Nike Air at ang sosyal na therapeutic shoes. Isa lang ang solusyon ko: Bumili ng isa pang Air Cast.

Kasi, bukod sa ayaw kong maging pilantod, nagmumukhang peke na ang totoong pares ng Nike Air hambing sa Air Cast.

DOTA & LOS ANGELES THUGS
Pacman lang ang larong paborito ko sa kompiyuter. At email, Word at PowerPoint lang ang kabisado kong gamitin. Napag-iwanan na ako ng hyperreality ni Baudrillard. May mga Dota na kaya na sabi ng pamangkin kong si Jeffrey na hindi natatapos laruin kahit ilang araw.

Hiniram ni Ervin–ang pamangkin kong kamukha ni Dingdong Dantes–ang aking iBook G4. Habang nasa kaniya ng dalawang linggo ang lap top, ang bakasyon ko ay naging mahigpit na kompetisyon sa paggamit ng kompiyuter. Isa lang ang PC sa bahay. Ang mga pamangkin games ang gusto habang encoding lang naman ang habol ko. Ang mga tinedyer nahihiyang sumingit kapag nasa teklado ako. Pero ang limang taong apong si Sebastian ay walang pangingiming pinapaalis ako para maglaro ng Los Angeles Thugs.

Walang tigil sa katatanong ng “Tapos ka na?” Sasabihin ko, “Hindi pa. Maglaro ka muna.” “E diyan ako maglalaro sa kompiyuter.” “Sandali lang,” medyo inis kong sasabihin. Pakli niya “Ilang minuto?” Sagot ko “Mga 30 minuto.”

Mawawala sandali pero maya-maya hayan na naman. May kasabay nang yugyog sa kompiyuter. Alangan namang maka-concentrate pa ako. Hay, talo ng apo ang lolo. May barkada siyang hahatakin para maging captive audience. Ang saya nila. Gulat ako. Magaling magmanipula ng games ang mga bata.

At na-shock ako sa Los Angeles Thugs. Napakabiyolente kasi. Ito ang may karakter na hoodlum. Magbibihis nang hiphop. Mamimili ng weapon sa arsenal. De-boga ang iwawasiwas palabas. Papatayin ang makursunadahang taong masasalubong sa daan. Nagkalat ang patay at dugo sa kalye. Sasakay ng convertible at makikipagbarilan sa hagad ng Los Angeles Police. Pasisibarin ang sasakyan sa coastal road. Babaligtad sa haywey, titilapon sa dagat, pero hindi namamatay ang hoodlum. Lilipad pa sa suot na vest rocket. Iyan ang hyperreal non-event. Laro lang. Kontrolado ni Sebastian. Sa totoo lang, si Sebastian ang hoodlum kasi kontrolado niya ang kilos ng cartoon sa iskrin. At ang kompiyuter.

Sinumbong ko nga sa Ate ang biyolenteng laro. Ipapabura daw niya kay Ervin kapag dumating sa weekend. Hindi pala basta nabubura iyon. Kaya ilang araw pa ang eksena ng kompetisyon namin ni Sebastian.

Ang ginagawa ko, gumigising ako nang maaga. Nakakatrabaho ako nang 7-10 n.u. May pasok kasi si Sebastian nang 8-10 n.u. Mula 10 n.u.-2 n.h. ang laro niya. Kaya 2 n.h. na ulit ako makakasalang sa keyboard. Minsan maaga siyang matatapos at tatawagin ako sa silid. Kaso kasarapan ng siyesta. Forfeited tuloy ang panghapong pagkakataon ko.

Hirap ng walang Internet. Pahirapan kung mautusan ang mga pamangkin. Ang bagal daw kasi ng koneksiyon ng internet shop sa barangay namin. Nag-subscribe nga ako sa Globe Broadband sa tulong ni Ervin. Okey naman. Inaabot ng signal kahit paan ang bundok namin. Nag-download siya ng musika o pelikula yata. Tapos lumabas sandali. Pagbalik niya, nakaupo na si Sebastian sa kompiyuter at nawala ang koneksiyon ng dina-download. Natural na reaksiyon: Tinilian ni Ervin ang bata. Tumakbo ito sa silid. Mabuti at hindi naman umiyak. Pero na-shock. Bihirang matanda ang naninigaw sa kaniya. Medyo spoiled kasi siya sa kaniyang mga lolo at lola. Hindi muna naglaro nang ilang araw. Natakot kasi akala niya may naka-set na webcam na minomonitor ni Ervin. Pabor sa akin. Walang istorbong nakapagtrabaho ako. Burado na rin naman kasi ang Los Angeles Thugs.

Pero bumawi ng lambing si Ervin kay Sebastian noong Pasko. Ipinasyal niya sa Star City. At pinakain ng masarap. Tapos, isinauli na niya ang iBook. Kaya bati na rin kami ni Sebastian na natuto pang magmano sa Lolo Joey.

THERAPY
Dahil dalawang buwang hindi naigalaw, nag-atrophy at lumiit ang paa ko. Nanguluntoy. Naging kiamoy ba ang itsura. Kaya nang naghilom ang sugat, kailangang idaan sa physical therapy. Hindi na ako binigyan ng therapist. Tinuruan na lang ako ng doktor ng mga tamang ehersisyo. Mabuti naman. Makakatipid sa fees.

Di ba sabi ni Descartes parang makina ang katawan ng tao? Parang bisagrang kinalawang ang paa ko. Hindi maigalaw nang pataas-baba, kaliwa-kanan, at lalo na ang paikot. Sinubukan kong paikutin minsan, binatak-batak nang ganito at ganoon. Ilang minuto lang, namaga na. Tarantang tinext ko si Dok Lai. Huwag ko daw gagawin iyon. Sariwa pa ang ugat at masel na nadaanan ng iskalpel. Huwag kong pilitin. I-ice bag ko daw para bumaba ang pagkamaga. At laging iposisyon nang mas mataas sa level ng dibdib ang paa. Ito lang ang panahong mas matayog ang halaga ng sakong ko sa puso ko.

Hindi pa rin basta maidiin ang paa at baka mabaklas ang bakal at buto sa loob. Puwedeng pagsimulan ng kanser ang kahit gabuhok na lamat sa buto. Paano ang malaking lamat, malaking kanser ang epekto? Huwag naman. Hindi lamang lamat ang nangyari sa buto ko, nadurog. Baka sumambulat ang kanser sa sakong ko niyan. Ano ba ang gamot sa hypochondria?

Prinsipyo ng pabigat ng pabigat na presyon ang ikalalakas ng paa. Idinisenyo ng ebolusyon na maikalat ang vertikal na bigat ng tao sa talampakan. Ito ang dapat na muling matutuhan ng paa ko. Itatapak sa sahig, mas mainam kung may gomang linoleum para di masyadong matigas. Hiniram ko muna ang makulay at jigsaw puzzle na flooring ng apo ko. Hindi ako nalalayo sa baby James ni Kris Aquino na humahakbang ng Smilestones. Sa kaso ngo lang, ngiwi ang lumalabas sa mukha ko. Kaya SmileStones ang bersiyon ko. Parang binato ba. Kainis.

Sampung libra sa unang linggo ang dapat buhatin ng paa; tapos dalawampu sa susunod; dadagdagan pa linggo-linggo hanggang maabot ang 120 librang total kong bigat. Mga 6 linggo.

Tatlong sesyon ang dapat gawin sa isang araw. May 6 oras na agwat. Babalutin sa plastik ang paa, tapos ibabad sa mainit na tubig nang 15 minutos. Kapag naluto na ang bulalo, este kapag uminit na ang paa, gagawin na ang kalas-butong ehersisyo. Mga 12 ulit, babatakin papunta sa tuhod ang binalot-sa-tuwalyang paa. Kailangang pilitin.

“Ginawa kong 24 ulit ang ehersisyo para lumambot agad,” sabi ko kay Dok Lai.

“Wala sa ulit ang bisa. Nasa pagtodong maibaluktot ang joint.”

“Masakit po e.”

“Ganoon talaga.”

Ito ang iniiwasan ko: Ang makaramdam ng sakit. Pero kapag sinabi ni Dok, kailangang gawin.

Panay ang X-ray sa napinsalang paa para malaman kung okey ang tubo. Baka makalbo na ako sa dalas ng pagkahantad sa radyasyon. Yun ngang radiologist, napanot na. Nang tanungin ko siya kung epekto ng x-ray iyon, hindi daw. “Si Itay naman, kalbúhin lang talaga ang lahi namin.” Ang mga nagki-chemotherapy daw ang nalulugasan ng buhok. Cobalt rays daw iyon na matindi talaga. Itong x-ray okey lang. Nakahinga ako ng maluwag. Tanong ko ulit kung nakakabaog ang x-ray. Wala naman akong balak mambuntis ngayon, pero paano kung magbago ang isip ko, e di nawalan ako ng opsiyon. Hindi rin daw. Me tinakbuhan nga daw siyang nabuntis niya. “Ikaw ha,” ang nasabi ko na lang.

Parang kaluluwa ang itsura ng buto. Aba, maputi pala ang buto ko na may kaunting guhit na itim. Iyong iba kasi maitim daw ang buto e. Ibig sabihin ba mabuting tao ako na may kaunti lang kasamaan?

May apat na turnilyo sa gitna ng aking sakong. Para silang magkakapatid na sunod-sunod ang taas, papalaki habang papunta sa dulo. Wala naman sanang matigas ang ulo sa kanila at sumilip o mamasyal kaya sa labas ng sakong. Si Au kasi, ang kasama ko sa opisina, sabi ba naman puwedeng lumusot ang bakal. Umusli kasi sa siko ng kilala niya ang bakal na nakabaon sa braso nito.

Pero Bionic Man na ako, six thousand pesos nga lang ang metal ko sa katawan. Hindi six million dollars. (Pasensiya sa mga hindi 70s people. Mag-Wikipedia muna kayo sa alusyon dito.)

Ayan tuloy, hindi na ako puwede mag-jogging. Lakad na lang. Hindi na rin puwedeng mag-itik-itik, baka mapuwersa ang sakong. Pirouette puwede pa siguro.

Mula sa wheelchair, lumipat na ako sa saklay. Sosyal ang saklay ko, yari sa titanium galing sa London. At hindi sa kilikili idinidiin. May clasp na pumapalibot sa braso ng gumagamit. Parang yung kay Benjamin Button. Nakahinga ako nang maluwag. Ga-aratiles kasi ang tumubong kulani sa kanang kilikili ko. Ang sarap gamitin tuloy. Gusto ko na lang itago. Paalala ba sa madamdaming pangyayari. Pero sabi ng nagbigay, hindi magandang ideya iyon. Kailangan daw, kapag marunong na akong lumakad, ipamigay agad ang saklay. Baka daw kasi mag-imbita pa ng patuloy na paggamit nito. Kaya ayun, ipinasa ko na lang ito sa isang hindi makalakad.

Parang sumpa naman pala ang pagtatago ng saklay. Kaya ba marami ang ibinibigay na lang ito sa grotto ni Lourdes?

MGA KAPITBAHAY, MGA ANAK
Masakit mawalan ng mahal sa buhay. Kapag naranasan mong mamatayan, malalaman mo ito nang husto. May panahong ignorante ako sa kamatayan. Pagkamangha at hindi pagkatakot ang naramdaman ko sa panonood ng mga libing. Noon, sinusundan ko ang libing ng kapitbahay. Pinanood ko ang pagbaba ng kabaong at pagtabon ng kimpal ng lupa sa puntod. Pinakinggan ko ang pagnguyngoy ng mga namatayan. Walang damdamin akong nadama. Sa halip, gandang-ganda ako sa tanawin ng asul na langit at luntiang damuhan na kapiling ng mga patay. Payapang-payapa sila sa tingin ko. (Bagamat ang libingang maganda noon ay pangit na ngayon. Nakasalansan ang mga sementadong libingan na parang kahon sa bodega. Naging resettlement area kasi ang aming lugar).

Noong hay-iskul, sa kagustuhang makasama ko sa sementeryo ang crush ko, nasabi ko sa kaibigan niya na “Sana may patay sila para pumunta siya sa sementeryo.” Inosente ang pagkabulalas na iyon. Nang makarating sa crush ko ang sinabi ko, hindi na ako kinausap. Napakasama nga naman ng pahayag ko. Gusto ko lang naman siyang makasama ng hindi pumupunta sa bahay nila. Masungit daw kasi ang tatay niya. Hindi naman ako nagpaliwanag kasi hindi ko alam ang bigat ng sinabi ko.

Unang pinakamalapit na kamag-anak na pumanaw at iniyakan ko ay isang tiyo. Kapatid ng Nanay ko. Pumalahaw kasi ang Nanay ng malaman niyang iginupo ng atake sa puso si Uncle Bloomer. Parang nahawa lang ako sa damdamin ng pagdalamhati. Hindi ko naman dama ang pait. Nang mamatay ang Nanay, iyon, nalaman kong napakasakit pala. Pero sabi nga ng isang kaibigan, nagbalik lang naman sa pagiging enerhiya ang mga namatay. Galing sa kawalan, babalik sa kawalan.

Sa pagtigil ko sa bahay at pamumuhay sa dating kapitbahayan, pumanaw ang ilang kakilala. Tulad na lamang ni Mang Nato. Noong bata ako, kagawad siya sa barangay. Masigla at masipag. Guwapo at minsang pinag-agawan ng mga babae sa barangay. Siya ang nagrehistro sa akin nang maging botante ako noong 1980. Sa unang bahagi ng 2008, pumanaw ang kaniyang kabiyak, ang madaldal at magaling magrosaryong si Nana Celestina. Sa mga pasiyam, makapanindig balahibo ang rendisyon niya ng plegarya, “Toreng garing, toreng ginto.” Ulyanin na ang naiwang si Mang Nato pero alam niyang nawala ang kaniyang mahal. Sakit at pagdadalamhati ang ikinamatay niya.

Simple lamang ang pagkamatay ng isang dating kalaro sa barilan at kasama sa paliligo sa ilog, si Sonny. Noong late 60s, tanda ko, ang birthday party ni Sonny ang unang pagtitipon na ginanap sa lugar namin. Naiinggit ako sa pagdiriwang ng kapanganakan niya. Sa pamilya namin, walang nagseselebreyt ng bertdey. Wala kasing pera. Mayaman tuloy ang tingin ko sa mga may handang ispageti, keyk at payn-apol dyus. Pero walang naging direksiyon ang buhay ni Sonny. Mula nang ipagpalit ng Nanay niya sa ibang lalaki ang Tatay niya–matagal na iyon–may kumudlit na lungkot sa mukha ng mag-ama. Laging lulugo-lugo ang tatay niya kahit nagpapaaraw lagi sa kanto at masugid sa pagsamba. Nang mamatay ang Nanay ko, sabi ko sa Tatay ni Sonny, “Ang lungkot ano?” Alam kong namatayan na siya ng ina, si Nana Salome. Sagot sa akin, “Masasanay ka din.” Nagtrabaho si Sonny sa Department of Agriculture sa Ilocos pero muling nagbalik dito sa aming barangay para sa di-opisyal na pagreretiro. Wala na kasing ambisyon. Walang sigla. Sakitin gaya ng kaniyang ama. Isang hapon, humiling na lamang sa kaniyang kapatid na si Jessie na yakapin siya. Nilalamig daw kasi. Kinagabihan, pumanaw na. Ngayon bigla na lang akong naiiyak kapag may namamatay. At ayaw kong makipaglibing. O makipaglamay. Nanlalamig ako.

Pero ang mga Pinoy magaling maghugas ng lungkot. Sa magkasunod na lamay ni Mang Nato at Sonny, nagkasayahan ang mga kapitbahay. May mga kabataang kumakanta ng mga popular na awit sa pag-akompanya ng home-made na instrumento at portable na amplifier. Kinudlit ako ng “Pare Ko” ng Eraserhead. Party para sa dating kasama-sama lamang. Naisip ko, naabutan ko pala ang una at huling party para kay Sonny.

Trahiko naman ang pagkamatay ng isa pang kapitbahay. Kung may edad na kasi, hindi masyadong nakakahinayang. Parang panggatong, puwede na sunugin. Kapag bata, parang iba. Hatinggabi ng Enero 30, humiling ang 21 taong binata na gamitin ang motorsiklo. Medyo sangkot ang isang pamangkin ko dahil kinakapatid niya ang may-ari ng motorsiklong hiniram ng namatay. Ang sabi, “Tol, pagamit ng motor. Isang ikot lang.” Umangkas pa ang dalawang kaibigan tapos umarangkada sa gloryeta. Bumangga sa puno. Nagkagalos-galos ang tatlo. Isinugod sa ospital. Tsk, tsk sa ospital kung saan ako unang dinala nang maaksidente. Pangit ang serbisyo doon. Ang diyagnosis wala namang malubhang sugat. Pero internal laceration ng atay pala ang nangyari sa nagmamaneho. Sinuwag ng isang sungay ng motorsiklo ang tagiliran niya. Ilang oras lamang, ito ang ikinamatay ng binata. Katatapos pa lamang niya ng kolehiyo at kasisimulang magtrabaho. Malaking tulong sana sa mga naghirap na magulang.

Hindi masasabi kung kailan darating ang kamatayan. Mayroong bersiyon para sa bawat indibidwal. Pangako ko sa sarili, higit na pagbubutihin ang pamumuhay. Lalo na sa akin na dumaan sa matinding aksidente. Kahit iika-ika na ako, ipagdiriwang ko ang bawat susunod na araw na parang bertdey ko. Kahit maraming kapaitan sa buhay na ito, masarap damhin at harapin ang ating napakagandang daigdig.

Hello world!

Enero 20, 2009

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.